TARIFF-FREE RICE IMPORTS INALMAHAN

RICE IMPORT TARIFFS

MAHIGPIT na tinutulan ng mga mambabatas ang hirit ng Department of Finance (DOF) na ibaba sa 10 porsiyento o kaya ay tuluyang alisin ang buwis na ipinapataw sa pag-aangkat ng bigas.

“Itong panukala ang tuluyan nang papatay sa local rice industry. Lalong mababaon ang rice farmers kung tatanggalin ang taripa sa bigas, lalo na ngayong papasok na ang harvest season,” pahayag ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

“Hindi na nga nakabangon ang mga magsasaka mula nang maipasa ang Rice Liberalization Law, lalo pa silang malulugmok sa mas maluwag na pagpapapasok ng rice imports. Subsidyo sa produksiyon ang hiling ng mga magsasaka para mapababa ang presyo, hindi dagdag na pahirap,” dagdag ng kongresista.

Ayon kay Brosas, malalaking rice importers lang ang nakinabang sa Rice Liberalization Law at ang nabangit na panukala ng DOF ay tiyak na magreresulta sa pagdagsa sa bansa ng imported na bigas at ang makikinabang lamang dito ay rice cartels at smugglers.

Sa panig naman ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, sinabi niyang dapat maghinay-hinay ang DOF sa planong ibaba sa 10% hanggang sa magkaroon ng zero tariff sa imported na bigas,

Giit ng lady solon, bukod sa maaari itong makaapekto sa koleksiyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, posibleng magresulta rin ito sa mas mababang farm gate price ng lokal na bigas.

Aniya, bagama’t maaari namang mapababa nito ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, ang local rice farmers naman ay posibleng mapilitan na ibenta sa mas mura o paluging presyo ang inani nilang palay.

Paghihimok pa ni Vergara, ituon na lamang ng pamahalaan ang atensiyon nito sa pagpapanagot sa mga tunay na nasa likod ng pagsipa sa presyo ng bigas, partikular ang mga profiteer, smuggler at hoarder.

Nagbabala naman si Sen. Risa Hontiveros na isang disaster o kalamidad na sasalanta sa mga lokal na magsasaka ang naturang plano ng DOF.

Umaasa si Hontiveros na hindi ikagugulat ni Diokno ang pagdagsa sa bansa ng mga imported na bigas ngayong magsisimula na ang wet season harvest.

Sinabi ng senadora na batid ng Department of Agriculture (DA) na hindi dapat buksan ang floodgates ng importasyon sa panahon ng anihan dahil matatalo rito ang mga local farmer.

Nalilito na rin ang senadora dahil ang mungkahing alisan o babaan ng taripa ang rice importation ay taliwas sa gagawin ng gobyerno na “government-to-government trade” sa pag-i-import ng bigas sa Vietnam.

Salungat, aniya, ang layunin ng dalawang proposal dahil ang government-to-government rice importation ay puwedeng magtulak sa maraming rice importers na tumigil na sa negosyo na taliwas sa zero tariff na humihikayat naman sa mga rice importers na magnegosyo.

ROMER BUTUYAN, LIZA SORIANO