MAGTATATAG si Pangulong Rodrigo Duterte ng Zero Hunger Inter Agency Task Force (IATF) na layuning mabura ang kakulangan ng pagkain pagsapit sa taong 2030.
Ito ang inanunsiyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles makaarang aprubahan ni Pangulong Duterte sa ginanap na ika-36 na cabinet meeting ang inihaing mungkahi sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order para sa nabanggit na task force.
“The President and the members of the Cabinet recognize that we have to adopt additional measures to combat hunger given how data shows that it is a problem that cannot be ignored,” wika ni Nograles.
Ayon kay Nograles, isinasapinal na ang EO na kung saan ang IATF ay pamumunuan ng Cabinet Secretary habang ang mga ka-lihim ng Department of Social Welfare at Department of Agriculture ang magsisilbing vice chairmen na suportado naman ng mahigit 30 ahensiya ng pamahalaan ang magtutulong-tulong para sa naturang programa.
Base sa datos, aabot sa 2.4 milyong pamilyang Filipino ang nakararanas ng moderate to extreme hunger noong 2018 kung saan 13.7 milyong bata ang undernourished.
“It is apparent that current efforts aren’t enough, and that at this point an inter-agency task force that can focus and align the dif-ferent work being done to address the different aspects of hunger is needed,” giit pa ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na ang bagong task force ay naatasang bumalangkas ng national food policy upang matiyak na matatamo ang zero hunger o mabura ang kagutuman at mabawasan ang kahirapan alinsunod sa 2017-2022 Philippine Development Plan. EVELYN QUIROZ