TATLONG buwan lamang maipagkakaloob ang dinagdagang cash aid para sa mahihirap na pamilyang Pilipino, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Nitong Martes ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang ayuda mula P200 sa P500 para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyp ng langis.
Ayon kay DBM OIC Usec. Tina Canda, kakailanganin ng pamahalaan ng P20 billion para mabigyan ng ayuda ang 13 million beneficiaries sa loob ng tatlong buwan.
“‘Yang ₱500 a month na ‘yan, ang kaya pa lang at this point is probably mga tatlong buwan, siguro sa mga excess revenues na mako-kolekta ng DOF (Department of Finance),” sabi ni Canda sa isang public briefing.
“Ang excess revenues naman na ito ay manggagaling either sa dividends ng mga government corporations or doon sa excess VAT collections as a result nung pagtaas ng value ng petrolyo,” dagdag pa niya.
Inatasan ni Duterte ang Department of Finance (DOF) na dagdagan ang monthly cash aid sa mahihirap na pamilya dahil hindi, aniya, makasasapat ang P200 para sa pangangailangan kahit ng isang pamilya na may tatlong miyembro.
Sinabi pa ng DBM na ang monthly cash aid ay ipadadaan sa Department of Social Welfare and Development (DBM) ss sandaling makatanggap ito ng certification mula sa Bureau of Treasury sa availability ng sobrang revenue.
“’Yung pag-download nito, as soon as mabigyan tayo ng certification ng Treasury na meron na tayong available excess collection, mairi-release na natin ito sa DSWD. At ire-release naman ito ng DSWD sa recipients ng unconditional cash transfer,” ani Canda.