TULAD ng kanilang pangako at sinumpaan, walang humpay sa ginagawang pagtulong at paghahatid ng
serbisyo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Special Assistant to the People Christopher Lawrence ‘Bong’
Go mabigyan lamang ng maayos na buhay ang bawat Filipino.
Pinatutunayan din nina Tatay Digong at Kuya Bong na sila ay tunay na “tandem” at walang iwanan sa pagtatrabaho na para bang bawal sa kanila ang magpahinga upang matugunan lang ang pangangailangan ng sambayanan.
Nabatid na kahit ang panahon para sana sa kanilang pamilya o mga mahal sa buhay ay nagagawa pa ring igugol nina Tatay Digong at Kuya Bong sa mga taong mas nangangailangan ng kanilang kalinga.
Noon mismong araw ng Pasko sa kanyang ancestral home sa Davao City, pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pamimigay ng regalo sa kanyang mga kalalawigan na taon-taon niyang ginagawa.
Kaya naman hindi inaasahan ang pagdagsa ng libo-libong katao na nabigyan ng aginaldo ng Pangulo.
“Kakaiba talaga si Tatay Digong. ‘Yung oras niya para sa kanyang mga anak at pakikipaglaro sa mga apo ay ibinigay pa niya sa amin. Kami na hindi naman niya mga kaano-ano,” ang maluha-luhang sabi ng senior citizen na si Aling Donita Ilustre matapos makatanggap ng aginaldo mula sa Pangulo.
Kauna-unahan ngayong Pasko na umabot sa higit 60,000 katao ang dumagsa sa gift-giving na ginawa ni Duterte sa harap ng kanyang bahay.
Noon ding bago mag-Pasko, naging abala naman sa pagbisita sa mga pamilyang nabiktima ng sunog si Kuya Bong para mamahagi ng gamit, damit, sapatos at tulong pinansiyal.
Tinupad niya ang naunang pangako na magpapa-party at maghahanda ng pang-Noche Buena sa mga lugar o barangay na nasunugan para maging masaya ang pagsalubong ng mga ito sa Pasko.
Hindi rin nakalimutan ni Kuya Bong na bisitahin maging ang mga batang may kanser sa Philippine Children’s Medical Center sa Diliman, Quezon City para mag-donate ng pera na magagamit nila sa pagpapagamot.
Ang napanalunang premyo ng basketball team ni Kuya Bong sa isang liga ay ibinigay niya para maitulong sa pangangailangan ng mga bata.
Kapag naluklok sa Senado ngayong taon pagkatapos ng halalan sa Mayo, nais ni Kuya Bong na gawing libre ang mga gamit sa eskuwela at pag-aaral ng mga batang katutubo.
Nito namang bisperas ng Bagong Taon, nagbigay rin ng panahon si SAP Bong Go sa pagdalaw sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) Malasakit Center kung saan siya mainit na sinalubong at binati ng mga empleyado, pasyente at bantay ng mga ito.
Sinorpresa naman niya ang mga ito ng pamamahagi ng cinema passes, snacks at food packs.
Maging ang mga miyembro ng TODA at magbabalut ay nabahaginan niya ng tulong at regalo.
“Salubungin natin ang bagong taon ng magkakasama sa pagpapakita ng malasakit sa kapwa. Wala tayong pinipili na tutulungan. Lahat ay pantay-pantay,” ang pahayag niya.
Ayon kay Kuya Bong, idolo niya si Pangulong Duterte pagdating sa walang humpay na pagtatrabaho at tunay na pagseserbisyo sa mamamayan.
“Balak kong iabot ang serbisyong Tatak Duterte sa mga Filipino dahil ito ang nararapat para sa bansa,” aniya
“Walang dapat malungkot ngayong bago na ang taon. Nandito kami ni Presidente para tumulong at makisama sa pagpapakita ng malasakit sa kapwa,” sabi ni Kuya Bong.
“Kahit ‘di na ako SAP, ako pa rin ang tulay ninyo sa Pangulo. Nandito pa rin ako at handang tumulong sa kapwa ko. Wala po kaming iba pang hangarin ni Pangulong Duterte kung hindi makatulong sa kapwa Filipino. Wala tayong iwanan,” ang pahabol niya. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.