BUKIDNON – TINAMBANGAN ng mga hinihinalang kasapi ng umano’y New People’s Army (NPA) ang isang regional director ng Philippine National Police (PNP) kahapon ng umaga na ikinasawi ng isang police escort at ikinasugat ng tatlong iba pa sa lalawigang ito.
Nakaligtas naman sa pananambang si PNP Police Regional Office 10 Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Eastern Mindanao Deputy director Police Brigadier General Joselito Salido nang mailayo ito ng kanyang mga tauhan sa killing zone.
Isinagawa ng mga hinihinalang NPA ang pananambang sa convoy ng mga pulis bandang alas-6:45 sa Barangay Tikalaan at Dominorog, sa bayan ng Talakag, Bukidnon.
Nabatid na patungo sana ang grupo nina Solido para magsagawa ng inspeksiyon sa mga himpilan ng pulisya sa Talakag nang isagawa ang pananambang.
Sa impormasyon, ibinahagi ni P/Col. Ruel Lami-ing, pinuno ng PNP-Bukidnon Police Provincial Office, isang police escort ang napatay at kinilalang si P/Cpl Sumaylo.
Kabilang sa mga sugatan ay si Captain Ramil Gighie, pinuno ng escort team, na nasugatan sa kasagsagan ng putukan habang inilalayo patungo sa isang kalapit na komunidad ang opisyal ng Eastern Mindanao.
Sugatan din sa engkuwentro sina P/SSg Giovannie Malinab; at P/Ssg Herwin Ganilla na pawang kasapi ng Bukidnon First Mobile Force.
Napilitang umatras ang mga nang-ambush nang naramdamang parating na ang mga tauhan ng Philippine Army na niradyuhan para magsagawa ng re-enforcement.
Inihayag naman ni Northern Mindanao police spokesperson Lt. Col. Mardy Hortillosa na agad na ipinag-utos ang pagtatayo ng mga checkpoint sa lahat ng lugar na posibleng daanan ng mga nanambang habang tinutugis ang mga ito
REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ