SIMULA ngayong taon, alinsunod sa itinatakda ng RA 10963, ang Christmas bonus, 13th month pay at iba pang insentibo na hindi lalagpas sa P90,000 na matatanggap ng mga empleyado mula sa pribado at pampublikong sektor ay hindi na kakaltasan ng buwis.
Ayon kay Senador Sonny Angara, buong-buo nang maiuuwi ng mga empleyado ang kanilang bonus sa kani-kanilang pamilya, at tiyak na makadaragdag ito sa panggastos para sa Kapaskuhan at Bagong Taon.
Matatandaan na noong 2015, si Angara ang unang nagsulong na ilibre sa buwis ang 13th month pay at iba pang benepisyo na ‘di tataas sa P82,000.
Bago naisabatas ang RA 10653, tatlong taon na ang nakararaan, tanging ang mga bonus na ‘di tataas sa P30,000 ang libre sa buwis.
Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na matatanggap na ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang 13th month pay simula ngayong Nobyembre 15, habang ang mga private employee naman ay tatanggap ng katulad ng benepisyo bago mag-Disyembre 24.
Ayon sa batas, ang 13th month pay ay kailangang katumbas ng one-twelfth (1/12) ng kabuuang suweldo ng isang empleyado.
Dahil dito, pinaalalahan din ni Angara ang mga employer na pagkalooban ng 13th month pay ang kani-kanilang rank-and-file employees anuman ang kanilang nature of employment, basta’t sila ay nakapagtrabaho ng kahit isang buwan sa loob ng isang taon.
“Hindi lamang mga regular na empleyado ang dapat makakuha ng 13th month pay. Kahit mga contractual, casual, fixed term, probationary, seasonal employees ay dapat ding makatanggap ayon sa ating Labor Code,” ayon kay Angara na kilalang kampeon ng labor reforms at nangunguna sa pagsusulong ng disenteng trabaho para sa bawat Filipino. VICKY CERVALES
Comments are closed.