TECH-VOC, STEPPING STONE SA PAG-ABOT NG PANGARAP

TAONG 2012 nang matapos ni Johnny Narciso Nambong ang kanyang kauna-unahang technical education and skills development (TESD) program na Food and Beverage Services (FBS) na siyang nagdala sa tagumpay na kanyang inaani sa kasalukuyan.

Johnny Narciso Nambong

Si Nambong, 23, ay itinanghal na Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region Xll Idol.  Naging 2nd runner up rin sya sa National Level ng 2018 Idols ng TESDA, Self-employed Category, kung saan siya rin ang tumanggap ng “Batang Technopreneur Special Award”.

Sa edad na 18-taong gulang o noong Hunyo 8, 2014, itinayo na nito ang kanyang negosyo na pinangalanang JNN Catering  Events and Party Needs.

Ang tagumpay na ito ni Nambong ay kanyang nakamit dahil sa kanyang motto sa buhay na, “Ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagkamit ng pangarap”.

Si Nambong ay mula sa mahirap na pamilya. Magsasaka ang kanyang ama, samantalang ang kanyang ina ay nasa bahay lamang para mag-alaga sa kanilang limang magkakapatid.

Sa hangarin na maabot ang kanyang mga pangarap, pagka-graduate ng high school, napilitan itong mamasukan bilang kasambahay para maging working student.

Hindi nabigo si Johnny dahil pinag-aral siya ng kanyang amo sa Mindanao Master Technical Training Center Inc., Kidapawan Branch, isang school na may TESDA-registered programs at kumuha ng kursong FBS.

“Kumuha ako ng tech-voc dahil alam ko na ito ang makakatulong sa akin para ma-enhance  ko at mapakita ang skills at talent ko.  Nagsimula ako taong 2012,” ani Johnny.

Pagka-graduate, nagtrabaho siya bilang dining staff at waiter sa isang hotel.

Nang gumanda na ang kanyang trabaho at kita, nagpasya si Nambong na ituloy ang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng kursong Bachelor of Industrial Technology major in Food and Beverage Preparation Service sa University of Southern Mindanao (USM) Kidapawan City Campus.

“Naging stepping stone ko ang tech-voc sa pagpasok ko ng kolehiyo.”

Upang higit na mapataas pa ang kanyang skills, kumuha pa si Nambong ng iba’t ibang TESDA National Certificates gaya ng Computer Hardware Servicing, Housekeeping, Bread and Pastry Production, at  Food Processing na naging guide nito sa pag­hahatid ng dekalidad na serbisyo sa kanyang mga kliyente.

Dahil sa kanyang naging experience sa pagtratrabaho sa hotel at pagiging bihasa sa flower arrangement, table setting at iba pang may kinalaman sa FBS, itinayo nito ang kanyang negosyong JNN Catering Events and Party Needs.

Nakakatulong na siya sa pagbibigay ng trabaho sa kanyang mga tauhan.

“Masaya ako na nakapag-aral ako sa TESDA dahil ito ang naging tulay ko sa pagkamit ng aking mga pangarap.  Malaki ang pasasalamat ko sa TESDA, nagbago ang buhay ko at ng pamilya ko,” ani Johnny.

Bilang pinakabatang technoprenyur, payo nito sa mga kabataan na nais marating ang kanyang naabot na, “‘wag tumigil na maghanap ng oportunidad sa pag-aaral at dapat din na magtiyaga at magsikap sa sarili dahil walang imposible”.

Aniya, bilang gra­duate at produkto ng tech-voc, nagpapasalamat siya sa TESDA  dahil sa kanilang programa, nabago ang kanyang buhay at sinabing, “sana hindi sila magsawang tumulong sa mga out-of-school youth at sa mga taong hindi nakapagkolehiyo o nakapag-high school.”

Pangarap pa niya na makapagpatayo ng isang 5-star hotel o isang sikat na function hall o isang resort at training center o paaralan upang maka­tulong sa mga taong hindi makapag-aral at ma­bigyan sila ng maayos na trabaho at umasenso rin sa buhay tulad niya.

Comments are closed.