TESDA FREE COURSES NAGHATID NG TAGUMPAY SA DATING CONSTRUCTION WORKER

MASAYANG ibinabahagi ni Errol Antonio Pialane ang kanyang kaalaman sa ligtas, mabilis, at dekalidad na paggawa sa industriya ng konstruksyon sa kanyang mga estudyante sa Technical Training and Assessment Center (TTAC) ng Makati Development Corporation (MDC).

Errol Antonio Pialane
Errol Antonio Pialane

Si Ginoong Pialane, isang 35 taong gulang na TESDA-certified trainer na tubong Samar, ay isa rin sa ating mga kababa­yang nakipagsapalaran sa Maynila upang magtrabaho para sa kanyang pamilya. Mula sa payak na buhay sa pro­binsya, nagsimulang magbago ang buhay ni Errol nang makapasok siya sa isa sa mga libreng training na inalok sa kanila noon sa barangay.

Taong 2000, natapos niya ang isang maiksing electrical course mula sa proyekto ng lokal na gobyerno ng Samar at ng TESDA Provincial Office. Matapos nito, nagsimula naman siya sa pagkumpuni at pagtatayo ng maliliit na bahay sa kanilang lugar.

Nguni’t upang mas mapalawig pa ang kanyang kaalaman at kakayahan sa konstruksyon at para mas kumita para sa kanyang pamilya, nagtungo siya sa Maynila noong 2012 para magtrabaho bilang isang mason sa MRS Wood Industries and Construction. ‘Di kalaunan ay nagtrabaho siya sa MDC noong 2015 bilang isa ring mason.

Matapos noon, kumuha siya ng iba’t ibang TESDA courses at nagkaroon ng National Certificates sa Carpentry NC II (2015), Masonry I (2015), Scaffold Erection (2016), Tile Setting (2016), Masonry NC II (2017), at Electrical Installation and Maintenance (2018). Bilang isang mahusay na laborer, nakuha nya rin ang tiwala ng kaniyang mga supervisors.

Matapos niyang makakuha ng Masonry NC II, pinakuha rin siya ng MDC ng Trainers Methodology I (TM I) upang maging isa siyang certified trainer ng mga nasabing competencies. Ngayon ay mayroon siyang hawak na National TVET Trainer Certificate (NTTC) at nagtuturo na sa ilalim ng TTAC – MDC. Isa rin siya sa pinarangalan ng Philippine Constructors Association (PCA) ng “Pambansang Treyner ng Konstruksyon” award ngayong taon.

Bilang isa ring trainer, nais ni Errol na ituro ang kanyang mga natutunan upang magamit din ng kaniyang mga estudyante ang mga kaalaman at abilidad na ito sa kanilang paghahanap-buhay.

Nais niyang ibahagi ang itinuro ng TESDA at ng MDC sa kanya. Ang pagte-training ay isang malaking hakbangin upang matuto at mahasa ang mga kakayanan na ayon sa kasalukuyang pamantayan ng industriya na makatutulong din sa kanila sa pagkakaroon ng mapagkakakitaan at pansariling kaunlaran.

Nakikiisa si Ginoong Pialane sa mga proyekto ng TESDA at ng construction sector na patuloy na mag-train ng ating mga laborer, lalo na sa programang ‘Build, Build, Build’ ng pamahalaan.

Comments are closed.