DETERMINADONG magbagong buhay ang dating lulong sa droga na si Ben Mark Oclarit, 19-taong gulang. Pinili niyang layuan ang masamang bisyo at upang tuluyang malihis ang kanyang atensiyon,kumuha siya ng technical-vocational program na Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC l at NC ll noong 2017. Ngayon, namamasukan siya bilang welder sa isang malaking construction company sa Agusan del Norte.
“Mabait, masikap at matulungin.” Ganito, inilarawan ng kanyang mga magulang si Ben, residente ng Poblacion, Bacuag, Surigao del Norte. Siya ang panganay sa apat na magkakapatid, magsasaka ang kanyang tatay at simpleng maybahay ang kanyang ina. Hindi siya nakapagpatuloy sa pag-aaral bunsod sa pagkalulong nito sa droga.
Labing-anim na taong gulang pa lamang si Ben nang una n’yang matikman ang droga at mula noon, hindi na siya nakawala sa pagkakagapos sa ipinagbabawal na gamot dala ng impluwensiya ng kanyang mga barkada. Ang kanyang bisyo ay nagbunga pa ng isang problema para sa kanyang pamilya. “Sa madalas kong paggamit, nagkaroon ako ng karelasyon na mas matanda pa sa akin. Hindi ito nagustuhan ng aking mga magulang, sapagkat masyado pa daw akong bata. Nangangamba sila na baka mag-aasawa ako ng maaga.”
Upang makaiwas sa bisyo at maagang pag-aasawa, ipinadala si Ben ng mga magulang nito sa kanyang tiyuhin sa Cebu. Isang magaling na welder ang kanyang tiyuhin, kaya tinuruan siya at nang matuto, ipinasok siya ng partime job.
“Pero anim na buwan lang ang itinagal ko sa Cebu dahil hindi ko kinayang malayo nang matagal sa aking pamilya. Kaya pinauwi ako ng aking nanay.”
Sa kanyang pagbabalik sa Surigao del Norte, kinumbinse siya ng kanyang kaibigan na kumuha ng libreng training ng SMAW NC l at NC ll sa Surigao del Norte College of Agriculture and Technology (SNCAT), isa sa mga accredited TESDA Technology Institutions (TTIs). Hindi siya nagdalawang-isip na mag-enroll at naging beneficiary siya ng TESDA scholarship sa ilalim ng ng Barangay Kabuhayan Skills Training Program (BKSTP).
Noong una, itinuring na katuwaan ito ni Ben, ngayon isa na itong malaking tagumpay para sa kanyang buhay dahil sa pamamagitan ng TESDA skills training, may maayos na siyang trabaho bilang isang welder sa OIC Construction and Development Corporation sa Agusan del Norte. Ngayon, balak n’yang magtrabaho sa abroad.
Comments are closed.