Isa sa mga layunin ng tech-voc ang maiangat ang kabuhayan ng bawat isa sa pamamagitan ng pagbahagi ng kaalaman at kakayahan.
Noon pa man ay pangarap na ni Randy Cris Paras na maging isang teacher.
Pero dahil walang kakayahan ang kanyang mga magulang na siya ay mapaaral sa kolehiyo, kumuha muna siya ng vocational course sa University of Southern Mindanao (USM) Kidapawan Campus.
Matagumpay niyang natapos ang Food Preparation Service and Technology sa loob ng tatlong taon at nakapagtrabaho sa isang malaking hotel sa nasabing lungsod.
Dahil sa kanyang kinikita, natustusan niya ang kanyang sarili para makapag-aral naman ng 4-year course na Bachelor of Technology Education hanggang sa matapos niya ito.
Sa pagkakataong ito ay sinubukan nang mag-apply bilang isang Hotel and Restaurant Management (HRM) teacher ni Randy sa North Point College of Arts and Technology, na isa sa mga Technical Vocational Institution (TVI) sa Kidapawan City.
Dito na niya naisipang palawakin pa ang kanyang kaalaman at kakayahan sa pamamagitan ng pagkuha ng iba pang vocational courses.
“Sinamantala ko na yung pagkakataon na madagdagan pa yung skills ko kaya kumuha ako ng Food and Beverages NC II and NC III, House Keeping NC II, Bread and Pastry NC II, Food Processing NC II, at Trainers Methology Certificate,” ani Randy.
Pero hindi niya inakala na pagkalipas lamang ng dalawang taon ay makakapasa na siya sa Licensure Examination for Teachers (LET) at sinubukan niya agad mag-apply sa Department of Education kung saan ay nakuha niya agad ang posisyon na Teacher III sa Matalam National Highschool.
“Kaya naging qualified ako sa posisyong ito dahil sa mga NC II at NC III na nakuha ko nung ako ay nagtuturo pa sa North Point. Hindi nga talaga ako binigo ng aking desisyon na palawakin pa ang aking kaalaman sa pamamagitan ng TESDA,” paliwanag ni Randy.
Sa ngayon ay patuloy niyang ibinabahagi sa kanyang mga senior high students ang kanyang mga kaalaman.
“Palagi kong sinasabi sa kanila na kumuha sila agad ng NC II pagnakagraduate sa senior high dahil malaki ang tulong nito sa paghahanap ng trabaho lalo na kung walang kakayahan ang kanilang mga magulang na mapaaral sila sa kolehiyo. Kapag sila ay nakapagtrabaho, makakaipon sila ng sarili nilang pantustos sa pag-aaral at makakatulong pa sila sa kanilang pamilya,” dagdag pa niya.
Isa na rin siya sa mga kilalang assesor ngayon ng Bread and Pastry Production sa Kidapawan City.
Comments are closed.