KASALUKUYANG may-ari at school head ng isang training center sa Pangasinan, ang ating ka-TESDA na si Susana Ellorin-Tandoc ay isa sa hinirang na TESDA Idol para sa taong 2020. Siya ang itinanghal na regional winner ng TESDA I sa Wage-Employed Category.
Nagsimulang maging parte ng buhay ni Susana ang TESDA nang may nagrenta sa kanilang pinauupahang puwesto upang pagtayuan ng isang training center. Nakita niya ang kagandahan nito kaya noong nagsarado ang nasabing training center ay naisipan niya na ipagpatuloy ito. Ngayon ay kilala na ito sa tawag na Maxima Technical and Skills Institute, Inc.
Hindi pinalagpas ni Susana ang pagkakataon na sumailalim din sa mga training program sa kanilang training center. Sa katunayan, isa pa nga siya sa mga naunang nagtapos ng training sa Maxima.
Noong 2013, matagumpay siyang nakakuha ng National Certificate sa mga kursong Computer Hardware Servicing NC II at Trainers Methodology Level 1, at Housekeeping NC II naman noong 2014.
Ayon sa kanya, dahil sa pagkuha ng nasabing mga training courses, mas nakilala at mas nakita niya ang kahalagahan ng TESDA. Nagbukas din ito ng mga ‘di malilimutang oportunidad sa buhay niya tulad na lamang ng paglipad niya sa Thailand, para sa ASEAN Skills Competition 2018, at Russia, Worldskills 2019, kasama ng mga competitor na graduate ng kanilang training center.
“Isa sa aking sinasabi kapag ako ay nagsasalita para sa TESDA ay ang ikuwento kung ano ang mga pinagdaanang pagsubok nina Reylan Y. Cruz (ASEAN Skills Competition 2018 – Beauty Therapy) at John Leonard Q. Ramos (Worldskills 2019 – Hairdressing) at iba pang mga kabataan na natulungan ng Maxima,” aniya.
Pagmamalaki ni Susana, sa tulong ng TESDA, mas marami pang mga kabataan ang nakikinabang at natutulungan ng Maxima sa kanilang lugar.
“Sa ngayon maraml pa rin kaming plano para sa aming training center. Isa na rito ay ang makapagpatayo ng isang mas malaking training center upang mas dumami ang aming matutulungan,” ayon kay Susana.
“Malaki ang bahagi ng TESDA sa buhay ko kaya alam kong kapag naging masigasig ang isang tao at isasa puso nya ang training niya sa TESDA, ito ay makakatulong sa kanya para maabot niya ang kanyang pangarap. Naniniwala akong lahat ng matiyaga aasenso sa TESDA”.
Comments are closed.