“TESDA IS LIFE!”

ITO ang paniniwala ni  Ruel S. Abellar, 38-anyos, polio victim, graduate ng technical-vocational education and training (TVET) at isa sa apat na mga matatagumpay na persons with disability (PWD) awardees ng Technical Education and Skills Development Autho­rity (TESDA) sa pagdiriwang ng 40th  National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week na ginanap nitong  July 17-23, 2018 sa  Jose F. Diaz Stadium sa San Mateo, Rizal.

Ruel Abellar
Ruel S. Abellar

Ayon kay Ruel, kaya niya nasabi na TESDA is life, “Kasi kapag nakakuha at nag-undergo ng vocational trainings, 6-month, 3-month o 2-year course, at i-apply ang mga natutuhan sa real world o trabaho, ay tiyak mabubuhay ka, mabubuhay mo ang pamilya mo, at aasenso ka.”

Si Ruel ay nagtapos ng  2-year  Computer  Systems Servicing NC ll course sa TESDA  noong 2000-2002 sa Compostela Institute of Technology (ComVIT) at kumuha rin siya ng Visual Graphic Design NC lll.

Siya ay naging Region II TESDA Idol winner at naging second sa Word Processing (National Skills Competition for PWD) at sa photography competition.

Ikinuwento ni Ruel ang kanyang mga pinagdaanang hirap bago nito narating ang nasabing mga tagumpay.

Ayon kay Ruel, ipinagbubuntis pa lamang siya  nang magkahiwalay ang kanyang ama’t ina.   Lima silang magkakapatid, 4 na lalaki at isang babae, siya ang  bunso. Nakita na lamang  niya ang kanyang ama nitong April  2018  nang nasa kabaong na.

Dahil sa hirap ng buhay, napabayaan ang kanyang kalusugan at sa edad na isang taon at kalahati, siya’y dinapuan ng sakit na polio.

Sa edad na dalawang taon, noong 1982, pansamantalang ipinaampon si Ruel ng kanyang lolo’t lola sa isang orphanage  sa Monte Vista sa Compostela  Valley hanggang sa nagpalipat-lipat siya  sa iba’t ibang  orphanage sa Maynila, Baguio City at Mabitac, Laguna.

Nang maka-graduate ng Grade 6 sa Baguio City, ibinalik siya sa kanyang mga magulang noong 1990.

Para makapag-aral ng high school, naglako siya ng mani at nilagang itlog sa mga bus terminal sa kanilang lugar.

Isa sa mga kaibigan ng kanyang ina ang nagsabi na mag-aplay siya ng scholarship sa TESDA. Nag-aral siya sa Compostela Valley Institute of Technology (ComVIT) noong 2000.

Nang makapagtapos ng Computer System Servicing NC ll noong 2002, agad siyang kinuha ng kanyang school na COMVIT bilang incharge ng computer laboratory sa   loob ng halos  4 buwan at na-promote bilang   ­trainer  hanggang 2006.

Nagtrabaho rin siya sa  local go­vernment unit ng Montevista, Compostela Valley bilang computer technician.

Noong 2009,  kumuha siya ng Trainers ­Methodology para sa kanyang National TVET ­Trainers Certificate (NTTC).

Dahil sa kanyang mga naging  credential sa TESDA, kinuha siya ng Department of Education (DepEd) bilang teacher sa  Compostela National High School noong 2016 bago pa man siya magtapos ng kanyang 4-year Bachelor in Secondary Education course.

“Kaya ako naka-proceed sa college kasi ginamit ko ang technical course ko para mabuhay ko ang sarili ko, mabuhay ko ang pamilya ko, ‘yang mga anak ko. So iyan ang nakatulong, malaking nai­tulong, ganun kaimportante ang tech-voc sa buhay ko,” pali-wanag ni Ruel kung gaano kahalaga ang tech-voc sa kanyang buhay.

Sa kasalukuyan, isa na sa kanyang investment ay ang kanyang biniling bahay at sa oras na mabayaran na niya ito ay plano nitong magtayo ng sariling negosyo.

Kaugnay naman sa kanyang propesyon, plano pa ni Ruel na kumuha ng masters oras na makapasa siya sa  Licensure Examination for Teachers (LET).  Aniya, ang kabiguan nitong pumasa sa LET ang  siyang hadlang sa kanyang naghihintay na promosyon sa DepEd.

Ang payo ni Ruel sa mga kabataan lalo na sa mga nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral subalit walang  budget, “TESDA is always there, may mga programa na libre.”

“Talagang saludo ako sa TESDA! I highly recommend tech-voc. Umasenso ang buhay ko dahil sa TESDA, kung wala ang TESDA, ewan ko kung saan ako pupulutin ngayon,” pagwawakas ni Ruel.

Comments are closed.