TESDA, POSITIBONG PANANAW TUGON SA KAHIRAPAN

“POVERTY is not a hindrance to success. Ang kapobrehon diay sa tao, dili pagbabag sa paglambo sa usa ka tao.”

Rolan Corro ButalidIto ang motto ni Rolan Corro Butalid na kanyang naging inspirasyon sa pag-abot ng kanyang mga pangarap hanggang sa magtagumpay.

Si Rolan ay isang professional caterer sa Camiguin Island, at isa sa mga matagumpay na graduate ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sobra ang hirap ng buhay nila noon dahil marami sila sa pamilya.

Ang kanyang tatay ay sumubok na magnegosyo habang ang kanyang ina ay isang simpleng maybahay lamang. Nang mawala ang kanilang negosyo, namasukan ang kanyang ama sa isang beverage company bilang driver.

Siya nama’y nagtrabaho bilang waiter sa isang restaurant sa Camiguin, naging cashier, hanggang naging cook.

“Balak ko noon, mag-abroad bilang kusinero. Marami ang nagsabi sa akin, baka gusto mong mag-aral sa TESDA kasi maganda ang training sa HRM (Hotel and Restaurant Management),” kuwento ni Rolan.

Dahil sa kagustuhan niyang malaman at matutunan ang mga makabago at tamang techniques sa cooking, nag-aral siya sa TESDA. Bilang isang scholar ng isang banking institution, nagsanay siya sa loob ng dalawang taon sa Camiguin School of Arts and Trades (CSAT).

Sa training, wala siyang naging problema dahil hilig niya ang pagluluto at mayroon na siyang karanasan sa pinasukang restaurant. Ang tanging naging problema ni Rolan ay ang kanyang kapos na allowance para sa pagkain, pamasahe at projects.

Noong taong 2010, matapos niyang mag-resign sa pinagtatrabahuhang restaurant, inum­pisahan nito ang kanyang negosyo na catering services sa Camiguin Island.

Inamin ni Rolan na sa simula, nahirapan siya sa kanyang negosyo, subalit, na-motivate siya ng kanyang plano na magnegosyo at subu­kang gamitin ang kanyang natutunang skills at kung kaya na niyang tumayo sa sarili.

“Absolutely, nakatulong po ang CSAT TESDA. Kasi mayroon din kaming basic entrepreneurship training. Doon kami tinuturuan kung paano mag-negosyo at gamitin ang natutunan sa school,” paglalahad nito.

“Negosyo ko ngayon, medyo taas-taas (lumaki) na, marami na kaming siniserbisyuhan, marami na kaming kliyente, so malaki-laki na ang kita namin. Eight years na po kami talagang maganda po ang takbo ng negosyo namin dito sa Camiguin,” pahayag ni Rolan.

Aniya, ‘di siya nagkamali sa pag-aaral sa TESDA, bagkus sinabi n’ya, “dapat nga akong magpasalamat sa TESDA, kasi marami akong ideas na nakuha na nagagamit ko nga­yon sa pag-asenso ko.”

Malaki na umano ang pagkakaiba ng kanilang buhay noon kumpara sa buhay nila ngayon. Nakakatulong na rin siya sa mga lumalapit na mga kababayan na humihingi ng tulong-pinansiyal para sa mga project sa school o pang-tuition fee.

Payo sa mga nangangarap na umasenso sa buhay, “Kung ano ang pangarap n’yo, positibo kayo, sulong nang sulong, huwag sumuko, huwag ma-discourage, lumaban lang para sa iyong survival at magiging masaya ka sa iyong tagumpay.”

Aniya, ang TESDA ay isang magandang paaralan na may good values at training na ibi­nibigay, laging updated sa mga makabagong teknolohiya, at kinikilala worldwide.

“Ang mensahe ko sa TESDA, ipagpatuloy n’yo lang ang magandang pagtuturo, magandang training, kasi kayo ang sandalan ng mga mahihirap na tao na gustong umasenso, gustong makakuha ng skills ‘gikan’ (mula) sa inyo na magagamit nila kahit kailan man sa buhay nila,” dagdag ni Rolan.

Comments are closed.