TESDA SUSI SA TAGUMPAY BILANG GURO

“NAGKA-INTERES po ako sa technical vocational (tech-voc) training dahil sa kaunting panahong igugol para sa kasanayan ay magkakaroon ka na agad ng National Certificate (NC) na magagamit sa pag-aaplay ng trabaho.”

Pagbabahagi ito ni Julius Christopher L. Gonzales, 23-anyos, kaugnay sa kanyang tagumpay matapos siyang kumuha ng iba’t ibang kuwalipikas­yon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa  kabila na graduate na siya ng Bachelor of Se­condary Education Major in Mathematics.

Si Julius ay nagtapos ng BSE sa City College of Calapan bilang city go­vernment scholar noong 2015. SiyaJulius Christopher Gonzales ang itinanghal na  2018 TESDA Idols ng Mimaropa at isa mga nominado sa 2018 Idols ng TESDA, Wage Category.

Pagka-graduate, agad siyang kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) at habang naghi-hintay ng resulta, naisipan ni Julius na mag-training sa TESDA upang madagdagan ang kanyang kaala-man at kasanayan na magagamit sa pagtuturo kung sakaling pumasa at kung hindi, magagamit naman niya sa pag-aaplay ng ibang  trabaho.

Nalaman niya ang TESDA noong 2015 mula sa kanilang guro sa college na siyang nanghihimok sa kanyang mga estudyante  na kumuha ng technical-vocational (tech-voc) courses sa TESDA para sa addi-tional training and skills.

Ang kinuha niyang kurso ay Events Management NC lll  at nagkataon na ang kanilang trainer ay si TESDA Idols 2017 National Winner Max Closa.

Sa kasalukuyan, Senior High School Teacher ll siya sa Nag-iba National High School (DepEd) sa Calapan City at kasaluku­yan ding Federation Adviser ng Supreme Student Government of Calapan City at matagumpay na events organizer sa kanilang lugar.

Maliban sa Events Management NC lll, holder din si Julius ng  Barista NC ll, Tourism Promotion NC ll, Housekeeping NC lll, Certificate of Competency sa Food Processing at training sa English Language Proficiency.

Lahat ng kanyang natutunang mga kasanayan ay kanyang ibinabahagi sa pamamagitan nang community service na may kaugnayan sa youth development, pag-o-organize ng mga event, training sa iskul at komunidad.

“Lalong higit ay ang pagbabahagi ko sa iba lalo na sa aking mga student ang kahalagahan ng tech-voc training at skills,” aniya.

Napakalaki ang naitulong ng TESDA kay Julius dahil sa specialized training para makapasok  sa kanyang item position bilang public school teacher ng  DepEd.

Malaki rin ang nabago sa buhay niya at ng kanyang pamilya. Una sa kanilang pamumuhay, dati hirap sa pang-araw-araw pero ngayon ay may regular na trabaho; sa pag-oorganisa ng event dapat systematic at natuto na siya ng tamang  paggawa ng proposal thru tech-voc; at mas naging confident na siyang humarap sa mga hamon sa buhay.

Dahil sa kanyang mga achievements,  tumanggap siya ng mga award na kabilang dito ang Mr. DepED 1st Runner up 2017,  Leadership Awardee 2015, Gintong Kabataan Awardee for Leadership & Public Service 2017, Natatanging Calapeno 2018,  at marami pang iba. Miyembro siya ng Rotary Club of Calapan.

Si Julius ay maagang tumayo bilang haligi at bread-winner ng tahanan bilang panganay sa tatlong magkakapatid matapos silang iwan ng kanilang ama habang walang trabaho ang kanyang ina.

“Naranasan ko pong pumasok na walang baon, mag-pedicab driver, mag-tutor, mag-waiter sa catering services, at magpaupa sa pagbubuhat ng buhangin para lamang may maipangtustos sa araw-araw,” ani Julius.

Inamin ni Julius na dala nang depression dahil sa  nararanasang hirap sa buhay, sinubukan n’ya na gumamit ng ilegal na droga, subalit, agad naman niyang na-relealize na hindi pala iyon ang sagot sa hirap ng buhay, “so, inayos ko po ang aking sarili, nagsikap, nangarap at patuloy na ­nangangarap.”

Sa ngayon, nagsusulat siya ng kanyang thesis para sa Master of Arts in Education Major in Mathematics at nais niyang ipagpatuloy ito sa Doctorate Degree at kumuha pa ng training ng iba’t ibang foreign languages, gaya ng Korean.

Payo nito sa mga kabataan na gustong mara­ting ang kanyang narating: “Success is not measured by the heights one attains, but by the obstacles one overcomes in its attainment.”

“‘Wag po tayong mahiya or matakot sa pagkuha ng tech-voc courses dahil mas mapagaganda nito ang iyong buhay at mapabibilis sa paghanap ng trabaho. Nandiyan lang ang TESDA, tayo ay buong pusong tatanggapin at tutulungan para magkaroon ng tamang skills,” pagtatapos ni Julius.

Comments are closed.