THREE-CONFERENCE FORMAT TARGET NG SUPER LEAGUE

HANDA na ang bagong tatag na Pilipinas Super League (PSL) sa inaugural conference nito simula sa March 18 sa Dipolog City at Roxas City sa Zamboanga del Norte.

Sa kasalukuyan ay 11 koponan na ang kumpirmadong lalahok sa regional-based tournament na target ang maximum field na 12 teams.

Inilahad nina Super League president Rocky Chan at commissioner Marc Pingris ang pinakabagong kaganapan hinggil sa liga sa  online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

Sinabi ni Chan na ang final composition ay iaanunsiyo sa susunod na linggo subalit ang kumpirmado na ay ang El Nido sa Palawan, Cagayan Valley, Bicol, Lapu-Lapu in Cebu, Davao Occidental, Cagayan de Oro, Lanao del Norte, Zamboanga del Norte, at Basilan.

“There are others knocking on the door but we will lock in on 12 teams. We want to stabilize the league first so we can give proper exposure to the teams and the sponsors. It’s not that easy to accommodate more teams,” ani Chan.

Inihayag ni Pingris, na nagretiro sa  PBA noong Mayo ng nakaraang taon matapos ang career na tumagal ng 16 taon, ang kanyang pagiging masigasig sa pagganap bilang commissioner at nangakong gagawin ang lahat ng kanyang makakaya sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin.

“I think my long experience playing in the PBA has given me a glimpse of how to run a league. But our primary goal in putting up the Super League is to provide inspiration to our young players,” aniya.

Sinabi ni Chan na bagaman ang mga koponan ay maaaring kumuha ng sinumang  player sa merkado, kabilang ang ex-pros, kailangan nilang tiyakin na mabibigyan ng tamang exposure ang mga  player mula sa kani-kanilang rehiyon o lalawigan.

“We will follow the 2-2-1 formal of two reinforced players, two regional players and one local player at any given time on the floor,” pahayag ni Chan sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), MILO, Amelie Hotel Manila at ng  Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang torneo ay magpapatupad ng single-round elimination format papasok sa quarterfinals, semifinals at finals.

Ayon kay Pingris, nagsisilbi ring isa sa  assistant coaches sa Gilas Pilipinas, target ng liga ang three-conference format kada taon, at kung bubuti pa ang COVID-19 situation, ipatutupad ang home-and-away format.

Plano rin ng Super League na magdaos ng  Under-21 tournament o ang sariling bersiyon nito ng D-League sa hinaharap.