THUNDER TAMEME SA LAKERS

Lakers vs thunder

KUMAMADA si Kyle Kuzma ng season-high 36 points upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 125-110 road win laban sa Oklahoma City Thunder noong Sabado ng gabi.

Ang panalo ay ika-8 sunod ng Lakers.

Umabante ang Lakers ng hanggang 32 points sa second half subalit tinap­yas ng Thunder ang kalamangan sa 11, wala nang tatlong minuto bago kumana si Kuzma ng back-to-back shots upang mu­ling makontrol ang laro.

Sa ikalawang sunod na gabi, ang Lakers ay nagpamalas ng halimaw na first quarter.

Sa panalo sa Dallas, ang Los Angeles ay umiskor ng 45 points sa opening frame  na wala si Anthony Davis.

Sa Oklahoma City, gumawa ang Lakers ng 41 points sa unang 12 minuto na wala ang kanilang dalawang pinakamalaking stars.

Si Davis ay hindi naglaro sa ikalawang sunod na game dahil sa contusion ng kanyang gluteus maximus, habang si LeBron James ay may flu-like symptoms.

Nagdagdag si Rajon Rondo ng 21 points at 12 rebounds para sa Lakers.

Nagbuhos sina Danilo Gallinari at Shai Gilgeous-Alexander ng tig-24 points upang pangunahan ang Thunder, na nalasap ang ika-2 kabiguan pa lamang sa siyam na laro.

BUCKS 122,

BLAZERS 101

Tumabo si Giannis Antetokounmpo ng 32 points, 17 rebounds at 6 assists upang tulungan ang bumibisitang Milwaukee Bucks na gapiin ang Port-land Trail Blazers.

Nagdagdag si Khris Middleton ng 30 points at nag-ambag si Eric Bledsoe ng  29 nang makopo ng Bucks ang ika-8 panalo sa nakalipas na siyam na laro at umangat sa 35-6 record.

Umiskor si Damian Lillard ng 26 points at nagposte si CJ McCollum ng 20 habang nalasap ng Trail Blazers ang ika-8 pagkatalo sa 10 games. Kumabig si  Carmelo Anthony ng  19 points at 11 rebounds, at nagdagdag si Kent Bazemore ng 10 points.

CAVALIERS 111, NUGGETS 103

Tumirada si Collin Sexton ng 25 points habang tumipa si Kevin Love ng 19 points at 15 rebounds nang gapiin ng bumibisitang Cleveland Cavaliers ang Denver Nuggets.

Nagsalansan si Tristan Thompson ng 18 points at 13 rebounds, nagtala si Cedi Osman ng 11 points at 12 boards at umiskor si Darius Garland ng 18 para sa Cavaliers.

Bumira si Jamal Murray ng  24 points at nag-ambag sina Nikola Jokic ng 19 points at 12 rebounds, Will Barton ng 18 points at Jerami Grant ng 13 points para sa Denver.

MAVERICKS 109, 76ERS 91

Tumipa sina Luka Doncic at Dwight Powell ng tig-19 points at sumandal ang  Dallas Mavericks sa dominating third quarter upang humabol at malusutan ang Philadelphia 76ers.

Umiskor si Dorian Finney-Smith ng 16 points at binura ng Mavericks ang 12-point deficit sa first half at bumawi makaraang maghabol sa 50-41 sa halftime nang ma-outscore ang Sixers, 32-16, sa third quarter.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng Bulls ang Pistons, 108-99 ; at tinambakan ng Celtics ang Pelicans, 140-105.

Comments are closed.