Standings
W L
Ateneo 6 0
UP 5 1
UST 4 2
AdU 3 3
FEU 2 4
DLSU 2 4
UE 1 5
NU 1 5
Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – DLSU vs UST (Men)
4 p.m. – FEU vs AdU (Men)
SISIKAPIN ng University of Santo Tomas na mapalawig ang kanilang winning streak sa tatlong laro sa pagsagupa sa La Salle sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Makaraang sumalang sa anim na laro sa nakalipas na 18 araw dahil sa compressed first round schedule, ikinatuwa ni Growling Tigers coach Aldin Ayo ang limang araw na pahinga upang makapag-recharge para sa kanilang 2 p.m. showdown sa Green Archers.
“First of all, we need this five-day break. Even the coaching staff. The players of course they have to recover,” wika ni Ayo makaraang pataubin ng UST ang Far Eastern University, 82-74, noong nakaraang Linggo.
Papasok ang Tigers sa kanilang unang first round assignment na nakapagpahinga nang husto, kung saan umaasa ang España-based cagers na maiangat ang kanilang 4-2 record, ang third-best sa liga.
Sinisikap ng UST na maitaas pa ang kanilang laro, lalo na sa depensa, kung saan umaasa si Ayo sa kanyang subok nang ‘mayhem’ system. Laban sa Tamaraws, nakahulagpos sa Tigers ang 11-point lead bago namayani via late-game defensive stops.
“Well, it doesn’t stop. This is a tough competition. Kung ano binabato sa amin, kung ano binabato sa inyo, you have to adjust because you cannot rely on one game plan. The coaches are good. I have to commend the scouting coaches of FEU. They did a very good job. Nahirapan kami. So it doesn’t really stop,” wika ni Ayo.
“Every day you have to keep on improving and every game kailangan may bago kang hinahain sa mesa. Otherwise, mapapagiwanan ka,” dag-dag pa niya.
Makakaharap ni Ayo ang Archers na kanyang iginiya sa kampeonato, dalawang taon na ang nakalilipas sa likod ni Ben Mbala.
Ang pag-alis ni Ayo noong 2017 ay nakaapekto sa programa ng La Salle kung saan hindi ito nakapasok sa Final Four noong nakaraang taon at sa kasalukuyan ay nasa ika-6 na puwesto na may 2-4 kartada.
Sa iba pang laro sa alas-4 ng hapon ay magpapambuno naman ang Adamson at FEU, kung saan nakataya ang No. 4 ranking.
Comments are closed.