TIGIL-OPS NG MRT-3 TULOY NA SA NOB. 14-15 AT 28-30

MRT-3-6

SUSUSPENDIHIN ng Metro Rail Transit – Line 3 (MRT3) ang operasyon nito sa dalawang weekends ngayong Nobyembre upang bigyang-daan ang maintenance at rehabilitation work.

Sa isang anunsiyo sa social media, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na walang operasyon ang MRT-3 sa Nobyembre 14-15, at sa Nobyembre 28-30.

“Magpapatupad ang pamunuan ng rail line ng temporary shutdown sa operasyon ng mga tren nito sa mga nasabing petsa upang magbigay-daan sa gagawing bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station ng Sumitomo-MHI-TESP,” ayon sa DOTr.

Nakatakda sanang suspendihin ng MRT-3 ang operasyon nito noong Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 subalit ipinagpaliban ito dahil sa Super Typhoon Rolly.

Ang malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 ay isinasagawa ng Japanese firm Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.

Comments are closed.