Mga laro sa Sabado:
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. – UST vs Ateneo (Women Finals)
SA HULING pagkakataon ay magkukrus ang landas ng University of Santo Tomas at Ateneo sa UAAP Season 81 women’s volleyball Finals na inaasahang magiging mainitan ngayong alas-3:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena.
Para sa Tigresses, naitabla lamang ng Lady Eagles ang series at kailangan ng dalawang panalo para maiuwi ang korona.
“Sabi nga ni coach (Kungfu Reyes) kanina na ito ‘yung taste, ito ‘yung experience kapag natatalo, lalo na sa important game. Motivation, we have Game 3 pa. ‘Yung mga positive words ni coach nandoon palagi,” sabi ni newly-minted season MVP Sisi Rondina.
Naitakas ng UST ang 25-17, 25-16, 25-20 panalo sa series opener bago pinatunayan ng Ateneo ang pagiging top-ranked team ngayong season sa pamamagitan ng 26-24, 14-25, 25-21, 25-15 panalo upang makatabla.
Posibleng maglaro si Rookie of the Year winner Eya Laure, na na-injure ang left ankle makaraan ang masamang pagbagsak sa pagsisimula ng third set sa Game 2, para sa Tigresses bagama’t hindi masabi kung 100 percent ang kanyang lakas.
Muling pangungunahan ni Rondina ang UST, at mahalaga ang suporta ng kanyang teammates para kunin ang kanilang ika-15 titulo – at ang una magmula noong 2009-10 season.
”Sabi ko sa kanila, hindi tayo susuko. ‘Di pa natin nakukuha ‘yung pangarap natin,” ani Rondina.
Maraming errors ang UST sa first set sa Game 2 na sinamantala ng katunggali upang kunin ang kalamangan. Bagama’t na-katabla ang Tigresses sa second frame, umatake ang Lady Eagles sa third at fourth upang mamayani.
Ang panalo ay magiging ikatlong kampeonato ng Ateneo sa kabuuan, at una matapos ang 16-0 campaign sa 2014-15 season sa likod ni Alyssa Valdez.
“Wala namang makakatalo sa amin if we play happy and we follow coach’s instructions,” wika ni Maddie Madayag, isa sa best blockers ng liga.
Comments are closed.