MISTULANG pambabastos ang plano ng Kamara sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco na mabigyan na ng prangkisa sa susunod na taon ang ABS-CBN.
Ito ang pahayag ng mga supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang reaksiyon sa naging pagtiyak ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na bumubuwelo lamang ang liderato ni Velascso dahil kauupo lamang sa puwesto subalit pagpasok ng 2021 ay haharapin nito ang isang “major battle” para mabigyan ng hustisya ang ginawang pag-firing squad sa ABS-CBN.
Sinabi ng pro-Duterte blogger na si Banat By o Byron Cristobal na kung itutuloy ng liderato ni Velasco na mabigyan muli ng prangkisa ang ABS-CBN ay sila na mismo ang nambastos sa bayan. Aniya, nakita sa mga isinagawang pagdinig na may mga violation na ginawa ang ABS-CBN na siyang dahilan ng pagkansela sa kanilang parangkisa.
“Ito ‘yung sinasabi natin eh, pinasukan na ng politika,” paliwanag ni Cristobal.
Naniniwala ang mga supporter ni Duterte na ang kumpiyansa ni Atienza na may magagawa na ito ngayon para maisulong ang ABS-CBN franchise renewal ay dahil na rin sa nakapuwesto na ito bilang Deputy Speaker.
Bukod kay Atienza, itinalaga rin bilang Deputy Speaker si Cagayan Rep. Rufus Rodriguez na isa rin sa mga sumusuporta sa ABS-CBN franchise renewal.
Iginiit pa niya na hindi minaltrato ang ABS-CBN gaya ng pakiwari ni Atienza dahil nabigyan sila ng pagkakataon na idepensa ang kanilang panig sa isinagawang pagdinig.
Ayon kay Cristobal, hindi dapat manahimik si Velasco sa isyung ito.
“Kung hindi galing kay Velasco ang sinasabing planong pagbabalik ng operasyon ng ABS-CBN sa 2021 ay i-deny niya ito, dahil kung hindi niya ito sasagutin ay malinaw na kasalungat na naman ito sa direktiba ni Pangulong Duterte,” paliwanag pa niya.
Puna ni Cristobal, mula nang maupo si Velasco sa Kamara ay ipinakita niyang hindi siya tunay na kaalyado ni Pangulong Duterte dahil taliwas ang mga hakbang nito sa posisyon ng Malacanang. Una ay ang pagtatanggol niya sa Makabayan bloc sa isyu ng red-tagging, ikalawa ay ang pagbibigay posisyon sa Kamara sa mga kritiko ni Pangulong Duterte at ikatlo ay ang planong pagpapabalik sa operasyon ng ABS-CBN.
Comments are closed.