(Tiniyak ng DBM) P600-M DAGDAG NA FUEL SUBSIDY SA AGRI SECTOR

TINIYAK ng pamahalaan na magkakaroon pa ng ikalawang bugso ng paglalabas ng pondo para sa fuel subsidy ng agricultural sector.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na bukod sa naunang P500 million na fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda ay magpapalabas pa ang gobyerno ng karagdagang P600 million.

Layon nito na mabigyan ng targeted assistance ang mga apektado sa sektor ng agrikultura at maibsan ang epekto  sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ng tumataas na presyo ng langis.

Partikular na bibigyan ng fuel subsidy ang mga magsasakang gumagamit ng makina para sa production at postharvest operation, gayundin ang mga mangingisdang gumagamit ng motorized banca.

Iniulat naman ni DBM Asec. Cristina Clasara na bukod sa naunang P500 million na fuel subsidy para sa agri sector ay pirmado na rin ni Budget OIC Tina Rose Marie Canda ang P7 billion na service contracting program para matulungan naman ang mga apektadong PUV driver at commuter.

Nagpasalamat naman ang komite sa agad na pagtugon ng DBM dahil malaking tulong ito sa transport sector. CONDE BATAC