ANG pagtaas ng presyo ng tinapay ay dahil sa mahal na sangkap at hindi dahil sa kakulangan sa harina.
Ito ang nilinaw ni Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL) Executive Director Ricardo Pinca kasabay ng pagtiyak na walang shortage sa suplay ng harina sa bansa.
“Walang shortage sa suplay ng harina, malinaw ‘yan. Mayroon tayong 90 days supply available at any time,” ani Pinca.
Binigyang-diin niya na malulugi ang mga panaderya kung hindi nila maisasaayos ang presyo ng tinapay ayon sa tumataas na halaga ng produksiyon.
Nilinaw rin niya na kahit na patuloy na may problema sa wheat exports sa Russia at Ukraine ay hindi ito direktang makaaapekto sa Pilipinas.
Aniya, may tatlong pangunahing pinagkukunan ng wheat ang bansa na kinabibilangan ng United States, Canada at Australia.