(Tiniyak sa Senado)AGRI PRODUCTS PROTEKTADO SA RCEP

TINIYAK ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na protektado ang mga agricultural product sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa gitna ng pangamba, lalo na sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Zubiri, kabilang ang bigas, mais at iba pang produkto sa exempted sa taripa sa RCEP na “world’s largest free trade agreement.”

“Hindi kasama ang major agricultural products dito sa RCEP na ito. Ibig ko pong sabihin, as is, status quo. Ang tariff rates ng agriculture products katulad ng mais, palay, bigas, rice, corn, grains, fruits and vegetables. Walang maiiba,” diin ni Zubiri sa media briefing.

Aniya, maging ang taripa sa mga produktong karne tulad ng baboy at baka ay hindi mababago.

“So whether we join RCEP or not, it is the status quo. So definitely joining RCEP will be to the advantage of any other industry that needs export markets,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng RCEP, sinabi ni Zubiri na makalilikha ng dagdag na 1.4 milyong trabaho sa bansa, partikular ang 300,000 trabaho sa sektor ng agrikultura, 77,000 trabaho sa industries at 991,000 trabaho sa services.

Sinabi rin ni Zubiri na maaaring umatras ang bansa sa RCEP kung hindi makakamit ang inaasahang benepisyo mula sa partnership, o kung magkakaroon ng pagdagsa ng mga imported na produkto.

“Resolved, finally, that the President of the Philippines, may with the concurrence of the Senate withdraw from the Agreement,” nakasaad sa Senate Resolution No. 42.

“So, guaranteed. If kung mukhang dehado tayo and there’s influx of goods from all over that swamped our manufacturing, swamped our garments, swamped our agriculture, then definitely a review will be in place and will be in order, and that we can recommend to the President if need be,” punto ni Zubiri.

Gayunpaman, sinabi ng pangulo ng Senado na hindi dapat tingnan ng Pilipinas ang pinakamasamang maaaring mangyari matapos ang ratipikasyon ng RCEP.

“But let’s look forward. Why are we looking at the worst? Let’s look at the best. Parang lagi tayong ‘the worst’. We look at the best that may come, ‘di ba? Let’s not look at the worst. But it’s there. The safeguard is there,” ayon pa kay Zubiri.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang pagkakaroon ng opsyon sa pag-withdraw sa mga probisyon ng RCEP.

“Yes there is a provision but there are safeguards in our agreement, trade remedies, surge of imports… there are trade remedies not just in RCEP, even in WTO,” ani Legarda.

Binanggit din ni Legarda na walang mali sa RCEP ngunit ang problema, aniya, ay ang kawalan ng suporta sa sektor ng agrikultura at ang problema sa smuggling.

Samantala, sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na makatutulong naman sa mabilis na pagbangon ng bansa mula sa COVID-19 pandemic ang RCEP.

“Surely, mapapabilis because the way to recover is to stimulate investment in our country. So new businesses will be established and new businesses will create the jobs that were lost during the pandemic and also… create the possibilities of strengthening our MSMEs that will act as suppliers to bigger businesses that will be established here,” paliwanag ni Pascual.

Ang RCEP ay isang free trade agreement sa pagitan ng member countries ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasama ang Australia, China, Japan, South Korea at New Zealand.

“From then, it’s already open… good news for investors, for our companies … they can take advantage of the provisions of RCEP,” dagdag ni Pascual.

VICKY CERVALES