(ni CS SALUD)
ARAW ng mga Puso. Araw na pinakaaabangan ng magkasintahan at mag-asawa. Marami ang pinag-iipunan ang ganitong okasyon nang maging espesyal at katangi-tangi. Ngunit may ilan din namang hindi ito gaanong pinagtutuunan ng pansin.
Pero marami tayong puwedeng gawin para maging masaya at healthy ang pagdiriwang natin ng Araw ng mga Puso. At dahil nga panahon o araw ito ng mga nagmamahalan, kahit na sino ay maaari nating makasama gaya ng pamilya, kaibigan at mga katrabaho.
Marami sa atin ang praktikal. Imbes na bulaklak ang matanggap, malamang ay mas piliin nito ang mga mapakikinabangan na bagay o pagkain. Oo nga’t masarap sa pakiramdam ang makatanggap ng bulaklak o tsokolate. Pero dahil nga hindi naman napakikinabangan ang bulaklak, mas gusto na lang nilang grocery ang matanggap o kaya naman ay mga gamit sa bahay.
Pero may mga kababaihan pa rin namang mas gusto ang makatanggap ng bulaklak at tsokolate, lalong-lalo na iyong mga wala pang asawa at anak.
Kahit ano pa man ang piliin natin, nasa sa atin pa rin ang desisyon. At ngayong araw, narito ang ilang tips na puwedeng subukan nang magkaroon ng masaya at malusog na pagdiriwang:
ALAGAAN ANG SARILI AT MAG-RELAX
Sa araw na ito, huwag nating kaliligtaang alagaan ang ating sarili. Oo, marahil ay kaliwa’t kanang obligasyon ang inaalala natin. Nariyang may trabaho tayo o kailangang tapusin sa opisina. At siyempre pa, ang mga obligasyon natin sa ating pamilya.
Ngunit sa kabila nito, maglaan tayo ng panahon sa ating sarili. At ang araw ngang ito ay maaaring gamitin sa pagre-relax.
Huwag ding kaliligtaan ang pagkain ng masusustansiya at iwasan ang stress. Magpahinga rin ng tama dahil kailangan ito ng ating katawan upang maging malakas at malabanan ang mga sakit na nagkalat sa paligid.
LUMABAS KASAMA ANG MGA KAIBIGAN AT PAMILYA
Puwede rin naman ang paglabas kasama ang mga kaibigan o kaya naman ang pamilya. Isa nga rin naman sa nakapagpapakalma ng ating kabuuan ang paglabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. Mga taong kaya tayong intindihin at kayang sabayan ang mga gusto at hilig natin sa buhay.
UMIWAS SA SOCIAL MEDIA O SA MGA NEGATIBONG TAO
Nakahiligan na nga naman natin ang social media. Halos hindi na ito maihiwalay sa ating sistema. Gayunpaman, kahit paminsan-minsan o kahit na ngayong Valentine’s Day, subukang huwag munang gumamit ng gadget.
Marami sa atin na ginagamit ang social media upang makibalita sa mga kakilala, kamag-anak o kaibigang nasa malayo.
Gayunpaman ngayong Valentine’s Day, mas mainam o maganda kung personal kayong makakapagkuwentuhan.
Kaya naman gamitin ang pagkakataon upang maka-bonding ang mga kaibigan at kapamilya.
Umiwas din muna sa mga negatibong tao nang maiwasan din ang stress.
UMIWAS SA MGA TEMPTASYON O MGA IPINAGBABAWAL
Kapag nga naman may okasyon, hindi natin maiwasang ma-temp na kumain ng masasarap, matataba at ang uminom ng mga inuming nakalalasing.
Okay lang naman ang kumain at uminom pero siguraduhing sakto o tama lang ang kakainin at iinumin nang hindi manganib ang kalusugan.
Puwede pa rin naman nating ma-enjoy ang Valentine’s Day sa pamamagitan ng pagkain ng masustansiyang pagkain.
MAGPLANO NG NAKATUTUWANG ACTIVITY
Mainam din ang pagpaplano ng nakatutuwang activity para sa buong pamilya o magkakabarkada. Maaari kayong manood ng movies o kaya naman ang magluto sa bahay at pagsaluhan ito. Swak din namang magpa-massage, mag-yoga o zumba.
Huwag din nating kaligtaang iparamdam ang pagmamahal natin sa ating pamilya, gayundin sa ating mga kaibigan.
Maraming paraan upang maging masaya at healthy ang pagdiriwang natin ng Valentine’s Day. At ang mga ibinahagi namin ay ilan lamang sa mga maaari ninyong maging gabay. (photos mula sa allstate.com, sporteluxe.com, beliefnet.com)
Comments are closed.