UMABANTE ang TNT sa Leg 3 quarterfinals ng PBA 3×3 Season 3 First Conference makaraang magwagi sa lahat ng kanilang tatlong laro kahapon sa Ayala Mall Manila Bay.
Pinataob ng Triple Giga ang Blackwater, 21-18, ginapi ang Cavitex, 21-15, at dinispatsa ang Terrafirma, 21-16, upang pangunahan ang Pool C at kunin ang isang puwesto sa susunod na round ngayong Martes.
Nagbalik si Almond Vosotros sa aksiyon para sa TNT, na nabigong makapasok sa quarterfinals sa Leg 2 makaraang maglaro na kulang sa rotation.
Samantala, umiskor si Ralph Cu ng 6 points sa 15-12 panalo ng Ginebra kontra Purefoods (0-2) upang mainit na simulan ang kanilang kampanya sa Leg 3.
Isinalpak ni Cu ang game-winning deuce sa Leg 2 noong nakaraang linggo nang pataubin ng Ginebra ang Meralco sa iovertime (19-17) upang kunin ang unang dalawang leg championships sa opening conference ng season.
Gayunman ay natalo ang Kings sa Pioneer Elastoseal sa sumunod nilang laro, 18-11, para sa 1-1 record, at isinuko ang Pool A top spot sa Katibays (2-0), na namayani sa Purefoods earlier.
Sa kabila nito, buhay pa rin ang Ginebra sa kanilang kampanya na maging unang koponan na nanalo ng korona sa tatlong sunod na legs.
Ang iba pang quarterfinalists sa Pool C ay ang Cavitex at Blackwater, kapwa may 1-1 records.
Sa Pool B, kapwa tumapos ang San Miguel at Meralco sa 2-1 upang umabante sa susunod na round.
-CLYDE MARIANO