MAINIT na sinimulan ni Cris Nievarez ang kampanya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics nang tumapos sa ikatlong puwesto, sapat para umabante sa quarterfinals ng Men’s Single Sculls Rowing Competition.
Nagawa ni Nievarez ang planong tumapos sa top 3 ng Heat no. 5 sa pagtala ng impresibong oras na 7:22.97 sa 2000-meter course.
“Masarap sa pakiramdam, unang race, unang sabak, masaya, para ito sa Pilipinas,” wika ni Nievarez, na bumuntot sa dalawang world-class rowers – Croatia’s Damir Martin (7:09.17), ang 2016 Rio Olympics silver medalist at Russian Alexander Vyazovkin (7:14.95), ang world indoor champion.
Hindi nagpatinag ang first-time Olympian sa bigat ng mga katunggali kung saan nakipagsabayan siya kina Vyazovkin at Felix Potoy ng Nicaragua sa unang 500 meters.
“Nauna na talaga ‘yung Croatian, pero kami ng Russian and ‘yung Nicaraguan, halos sabay lang sa first 500 meters. Noong 750 meters, nauna na ako sa Nicaraguan,” ani Nievarez.
Ang top 3 sa lahat ng anim na heats sa men’s singles scull ay umusad sa quarterfinals.
Ang mga hindi nakapasok sa top three ay magbabakbakan sa repechage sa Sabado kung saan ang top two performers ay sasampa sa quarter-finals.
“Mamaya, pag-aaralan namin ang oras ng lahat ng pumasok, kung sino ‘yung makakaharap ko sa quarterfinals at kung anong oras ang kailangan habulin,” dagdag ni Nievarez.
Nakatakda ang quarterfinals sa Lunes, Hulyo 26.CLYDE MARIANO
Comments are closed.