“ITIGIL muna ang pagkolekta ng toll fee sa mga motorista ng South Luzon Expressway (SLEX) sa loob ng anim na buwan.”
Ito ang ipinanukala ni Laguna Rep. Sol Aragones o kaya ay bawasan ang sinisingil na toll sa SLEX dahil sa nararanasang matinding trapik dito.
Sa House Resolution 428 ni Aragones, ipinapasuspinde nito ang paniningil o kaya ay pinapabawasan ang singil sa toll sa SLEX sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Aragones, maliit na bagay lamang ito kung ikukumpara sa pasakit na dinaranas ng mga commuter at motorista dahil sa “carmageddon” sa SLEX.
Ipinauubaya naman ni Aragones sa isasagawang pagdinig kung magkano ang bawas singil sa toll na ipatutupad upang hindi naman maapektuhan ang operasyon ng naturang expressway.
Ang matinding trapik ay bunga ng konstruksiyon sa Skyway extension kaya kinailangang isara ang ilang lanes sa SLEX na nagdudulot ng incovenience sa 370,000 na mga motorista at mga commuter na dumaraan dito araw-araw.
Comments are closed.