TOP 5 MOST WANTED PERSON TIMBOG

arestado

BULACAN – NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Regional Highway Patrol Unit (RHPU) at Bulacan-PNP 2nd Provincial Mobile Force Company ang number 5 most wanted person (MWP) sa Central Luzon na sangkot sa carnapping sa Barangay Caypombo, Sta. Maria.

Base sa report na isinumite kay P/Col. Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, nakilala ang naaresto na si Vennel Florez, 19, residente ng Block 106, Lot 13, Las Palmas Subdivision, Barangay Caypombo, at number 5 MWP ng RHPU  sa Central Luzon dahil sa pagka-kasangkot sa serye ng carnapping ng mga sasakyan at motorsiklo sa rehiyon.

Nabatid na bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang awtoridad hinggil sa presensya ng suspek sa kanyang tirahan sa Barangay Caypombo, Sta. Maria kaya nagsanib puwersa ang operatiba ng RHPU at ang Provincial Mobile Force Company ng Bulacan-PNP kung saan ay sinalakay ng mga ito ang kinaroroonan ng suspek na hindi na nakaporma at maayos na sumuko sa pulisya.

Ang suspek na si Florez ay sangkot sa mga kasong carnapping at nakorner ito sa bisa ng warrrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Gregorio S. Sampanga ng Bulacan RTC Branch 78 dahil sa paglabag sa RA 10883 (New Carnapping Act of 2016) at may rekomendadong piyansa na P300,000.

Si Florez ay kilala sa pagkakasangkot sa carnapping case sa Bulacan at kalapit na lalawigan at isa na rito ang pagtangay sa isang motorsiklo na nakaparada sa Las Palmas Subdivision sa Barangay Caypomboy noong Oktubre 26, 2018 at mismong ang suspek ang tumangay. MARIVIC RAGUDOS/THONY ARCENAL