MALAYA nang makakapaghanapbuhay ang mga overseas Filipino worker (OFW) maging domestic helpers sa Kuwait.
Ito ay nang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan na maging permanente na ang total deployment ban ng OFWs sa nasabing Gulf state.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay kasunod ng rekomendasyon ni Special Envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.
Inatasan na rin ng Pangulo si Labor Sec. Silvestre Bello III na isakatuparan ang nasabing utos.
Noong Lunes ay inanunsiyo ng Malacañang na inalis na ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ban para sa mga skilled at semi-skilled workers sa nasabing bansa.
Nag-ugat ang deployment ban sa Kuwait bunsod ng sunod-sunod na kaso ng pang-aabuso sa ating mga kababayan sa Gulf state, kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis na isinilid ang bangkay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment.
WELCOME DEVELOPMENT
Itinuturing naman ni Senador Joseph Victor Ejercito na welcome development ang pag-lift ng deployment ban ng gobyerno sa mga OFW sa bansang Kuwait.
Aniya, magandang balita para sa 260,000 OFWs sa Kuwait ang pagbawi ng pamahalaan sa deployment ban.
Sa kabila nito, umaasa naman si Ejercito na ang nilagdaang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait ay mabibigyan na ng proteksiyon ang OFWs partikular na ang mga domestic helper na kadalasang inaabuso at pinapaslang.
Kasabay nito, nangako naman si Ejercito na kanyang isusulong ang panukalang pag-institutionalize ng Overseas Legal Assistance Fund para sa mga distressed OFW. VICKY CERVALES/EVERLYN QUIROS
Comments are closed.