TRABAHO PARA SA MGA LALAYANG PDL TINIYAK

INIHAYAG kahapon ni Interior and Local Go­vernment  (DILG) Benhur Abalos Jr., na bagamat magbibitiw na siya sa ahensiya bilang kalihim ay  tiniyak na nito na mabibigyan ng trabaho ang mga lalayang  Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa buong bansa.

Sa ginanap na awarding ceremony nitong Linggo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)’s 1st National BIDA Painting, Handicraft-making and Song-writing Challenge for Persons Deprived of Liberty (PDLs), sinabi ni Abalos na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Labor and Employment (DOLE) para tiyaking magkakaroon ng trabaho ang lahat ng PDL sa kanilang paglaya bilang bahagi ng programang “After Care” ng DILG.

At ito aniya ay may memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DILG at DOLE.

“Ang importante, lahat ng nadapa ay matutulu­ngan at dapat tumayo ulit… which is the essence of rehabilitation and correction’ ani Abalos kasabay nang pagkumpirmang maghahain siya ng kanyang certificate of candidacy (COC) ngayong  Lunes o dalawang araw bago ang deadline.

Kasabay nito, matapos na masaksihan at mamangha sa mga gawang entry handicraft, painting, at mga piyesa ng mga kanta ng mga PDL sa ginanap na exhibit,  sinabi ni Abalos kay BJMP chief Director Ruel Rivera na ipagpatuloy ang pa­timpalak na nagbibigay ng pagkakataon sa mga napiit na ipakita ang kanilang kakayahan at kasabay nito ay tumulong sa kani-kanilang pamilya kahit nasa loob ng kulungan.

Ang mga nanalong painting, handicraft works at iba pang mga finished products ng PDL ay makikita sa sa ground floor ng Shang-rilla Plaza sa Mandaluyong City na ayon sa BJMP chief ay maaaring bilhin para makatulong sa mga pamilya ng mga preso.

EVELYN GARCIA