BINANSAGAN ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na “maka-mayaman, mapang-api sa mahihirap at hindi papasa sa anumang ‘socio-economic justice” na pagsusuri ang ‘Memo Circular’ kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga traysikel sa mga pambansang lansangan.
Sa House Resolution No. 748 na inihain niya sa House Transportation Committee, hiniling ni Salceda na chairman ng House Ways and Means Committee, na bawiin ng DILG ang Memo Circular 2020-036 nito na tinagurian niyang “sukdulang hindi patas at hindi papasa sa anumang pamantayan ng katwiran, lohikong batay sa mga datus, ‘socio-economic justice,’ at ‘local autonomy.’”
“At gaya ng ibang regulasyon na hindi batay sa karaniwang karanasan, ito’y tiyak na mabibigo,” dagdag niya. Hiniling niya sa House Transportation Committee na magsagawa ng mga public hearing’ at bumalangkas ng higit na makataong tugon sa problema dahil tanging mga traysikel lamang ang ikinabubuhay ng libo-libong mga pamilyang Filipino.
“Nagbabayad ang mga traysikel ng ‘road users tax’ na umaabot sa P1.2 bilyon taon-taon, at ‘excise tax’ o VAT sa gasoline na umaabot din sa P52 bilyon kada taon na nagiging bahagi ng malaking badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na halos ay P650 bilyon,” ayon sa kanyang resolusyon.
Sa report ng World Health Organization (WHO) at Land Transportation Office (LTO) noong 2017, pinuna ni Salceda na higit na ligtas ang sumakay sa traysikel kaysa ibang sasakyan: “Sa 7,023,529 rehistradong traysikel at motorsiklo, nagkaroon ng 5,970 namatay sa aksidente katumbas ng 0.085%, ngunit sa rehistradong 3,994,326 ibang sasakyan, 11,264 ang naitalang namatay sa aksidente na katumbas nf 0.282%.”
“Masyadong natutuon lang sa mga motorsiklo ang galit ng tao dahil nakabilad sila sa kalsada kapag naaksidente, ngunit suriin natin ang mga datus. Higit 200% kang nasa panganib kapag nakasakay ka sa ibang sasakyan kaysa traysikel. Kaya kung lalong mapanganib sa mga kotse, bakit kotse ang kinakampihan natin. Sa totoo lang, ano ba ang dahilan ng kalbaryo natin sa trapik? Anong sasakyan ba ang gamit ng mayayaman na kumikitil sa buhay ng maraming tao? Kotse, kotse, mga kotse,” madiin niyang paliwanag.
Sinabi rin ni Salceda sa kanyang resolusyon na sa “mga datus ng ‘Family Income and Expenditure Survey (FIES)’ noong 2015, makikitang 56% o karamihan ng mga kotse ay pag-aari ng 10% lamang ng pinakamayaman, at dahil ang pagbabawal sa traysikel ay pagpabor sa kotse, ang panuntunang ganon ay pagpabor sa kotse at pang-aaoi sa mahihirap.”
Bumabalangkas si Salceda ng mga patas na alituntunin. Dapat lakihan ang pondo para sa ‘PUV modernization’ para matulungan ang mga drayber ng dyip. Dapat ding pagaanin ang kalbaryo sa trapik sa pamamagitan ng pagsasaayos sa buwis sa mga sasakyan, at isusulong din nila ang National Transportation Strategy (House Bill No. 306) tungo sa higit na pagkakapantay-pantay at katarungan.
Comments are closed.