‘TROPA’ DIRETSO SA IKA-5 SUNOD NA PANALO

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Terrafirma vs Phoenix
6:45 p.m. – Converge vs NLEX

PINAHINA ng league-leading Talk ‘N Text ang boltahe ng Meralco at ipinoste ang 111-104 panalo sa PBA Governors’ Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Kinontrol ng Tropang Giga ang laro at sinikwat ang ika-5 sunod na panalo at ika-7 sa walong laro.

Nagbuhos si bagong import Chris Hollis-Jefferson ng 37 points, 13 rebounds at 8 assists habang nagdagdag sina Mikey Williams ng 25 points, Calvin Oftana ng 19 at Jayson Castro ng 16 points.

Sa pagkatalo ay nahulog ang Bolts sa 3-3 marka.

Malalaman kung hanggang saan mapananatili ng TNT ang kanilang winning run sa pagharap sa mortal na karibal at second running San Mguel Beer sa Feb. 19 sa Araneta Coliseum .

Lumamang ang TNT ng 23 points, 85-62, sa tira ni Hollis-Jefferson matapos ang offesive foul ni Raymond Almazan sa return play. Hindi na pinagbigyang makalapit ang Meralco kung saan nagsanib-puwersa sina Hollis-Jefferson, Williams, Castro at Oftana.

Walang magawa si coach Norman Black kundi panoorin ang kanyang mga player na paglaruan ng tropa ni coach Jojo Lastimosa.

Malamya ang laro ni KJ McDaniels na gumawa lamang ng 26 points and 15 rebounds habang nag-ambag si Aaron Black ng 21 at umiskor si Chris Newsome ng 20 para sa Me­ralco.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (111) – Hollis-Jefferson 34, M.Williams 25, Oftana 19, Castro 16, Khobuntin 6, Pogoy 4, Montalbo 4, K.Williams 3, Varilla 0, Chua 0.
Meralco (104) – McDaniels 26, Black 21, Newsome 20, Banchero 11, Maliksi 11, Hodge 6, Quinto 4, Caram 2, Almazan 2, Pascual 1, Jose 0.
QS: 27-25, 56-42, 86-69, 111-104.