‘TROPA’ GRAND CHAMPION SA PBA 3X3 THIRD CONFERENCE

SA HULI, ang winningest team sa PBA 3×3 Third Conference ang nag-uwi ng kampeonato.

Naitakas ng TnT Tropang Giga, naghari sa Legs 1, 3 at 4 at runners-up ng fifth at sixth legs, ang 21-19 comeback victory sa overtime kontra Purefoods upang kunin ang conference crown nitong Linggo sa , Robinsons Place Manila.

Nagpasabog si Gryan Mendoza ng 8 points, kabilang ang winning two-pointer sa extra time, upang tulungan ang TnT na makumpleto ang paghahabol mula sa 15-19 deficit at dominahin ang season-ending conference.

Nagdagdag si Almond Vosotros ng 5 points habang tumipa sina Samboy de Leon at Lervin Flores ng tig-4 sa pagsikwat ng panalo na nagkakahalaga ng P750,000.

“Grabe ang ipinakitang puso ng players ko. Last 1:30 we’re down by four, Purefoods (was) two points away from winning the championship. We just didn’t give up. This is the type of team we have,” sabi ng emosyonal na si TnT coach Mau Belen.

Itinanghal na Scoring King of the Conference si Vosotros at nag-uwi ng P30,000.

Nagkasya sina Purefooods’ Eriobu, Marvin Hayes, Jed Mendoza at Jun Bonsubre sa P250,000 premyo para sa ikalawang puwesto.

Patungo sa finals, tinalo ng top-seeded Tropang Giga ang Barangay Ginebra sa quarterfinals, 21-10, at ang fourth seed San Miguel Beer sa semifinals, 21-15.

Umabante ang No. 3 Purefoods makaraang dispatsahin ang Limitless sa Last 8, 18-16, at ang Sista Super Sealers sa Final Four, 21-19.

Sinamahan nina Sista’s Kenneth Mocon, Joseph Manlangit, Jamil Gabawan at Jan Jamon ang dalawa sa podium makaraang maungusan ang San Miguel Beer sa third-place battle, 21-20, para sa P100,000 premyo.

Iskor:
Battle for 3rd:
Sista Super Sealers vs San Miguel Beermen
Sista (21) – Mocon 11, Jamon 5, Gabawan 3, Manlangit 2.
SMB (20) – Comboy 10, Gamalinda 7, Mangahas 2, Gotladera 1.

Grand Finals:
TNT vs Purefoods TJ
TNT (21) – Mendoza 8, Vosotros 5, De Leon 4, Flores 4.
Purefoods TJ (19) – Hayes 6, Eriobu 6, Mendoza 4, Bonsubre 3.