TROPANG GIGA NATAKASAN ANG BOSSING

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. – NLEX vs San Miguel
6;45 p.m. – Ginebra vs Magnolia

MATAGUMPAY na nalusutan ng Talk ‘N Text ang Blackwater, 108-98, sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig.

Hindi madali ang panalo ng Tropang Giga kung saan dikit ang laro at lumamang ang Bossing sa pagtatapos ng first quarter, 27-24.

Sa panalo ay pinalakas ng TNT ang kanilang quarterfinal campaign makaraang umangat sa 3-2 kartada habang nahulog ang Blackwater sa 3-4.

Pinamunuan nina NBA veteran Camero Oliver at Mikey Willams ang opensiba ng TNT sa second half. Nagsanib-puwersa ang dalawa para sa 33 points.

Umiskor si Oliver ng 36 points at kumalawit ng 10 rebounds habang nagdagdag si Williams ng 28 points.

Tinalo ng taga-Sacramento na si Oliver si Cameron Krutwig sa una nilang paghaharap sa PBA.

Magugunitang gumawa si Krutwig ng triple-double laban sa San Miguel Beer subalit nabigo ang Blackwater import na duplikahin ito kontra TNT.

Hindi naglaro si dating TNT gunner Troy Rosario na kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang injury sa paa. Ang hindi niya paglalaro ay lubhang nakaapekto sa opensiba at depensa ng Blackwater sa lungkot ni coach Ariel Vanguardia.

Hindi rin naglaro si Rosario sa unang laro ng Blackwater kontra guest team Bay Area Dragons ilang araw makaraang i-trade ng TNT sa Blackwater.

Hindi makalayo ang TNT at nagawang makaalpas sa mahigpit na depensa ng Blackwater sa third period, 83-72, at 94-82 galing sa 53-51 bentahe sa first half.

Kinailangang kumayod nang husto ng Tropang Giga sa fourth period upang iposte ang panalo.

“We couldn’t getaway in the early going. It’s in the second half we got our bearing and sustained the momentum and preserved the win,” sabi ni coach Chot Reyes.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (108) – Oliver 38, M.Williams 28, Pogoy 11, Oftana 11, K.Williams 7, Castro 6, Tungcab 5, Erram 2, Montalbo 0, Ganuelas-Rosser 0.
Blackwater (98) – Krutwig 25, Amer 16, Suerte 15, Ular 13, Banal 12, McCarthy 11, Jackson 4, Taha 2, Melton 0, Ebona 0, Sena 0, Sena 0, Go 0, Ayonayon 0, Publico 0.
QS: 24-27, 53-51, 83-71, 108-98.