PINAWI ng isang ranking leader ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangamba na posibleng masira agad ang mga mahahalagang imprastruktura sa Metro Manila tulad ng mga tulay at flyover kapag tumama ang kinatatakutang ‘The Big One’.
Ayon kay Construction Workers’ Solidarity (CWS) partylist Rep. Romeo Momo Sr., vice-chairman ng House committee on public works and highways at committee on disaster management, kasunod ng paniniwalang may magaganap na malakas na paglindol kapag gumalaw ang tinatawag na ‘Marikina Valley fault system’ ay agad na isinailalim sa ‘retrofitting works’ ang iba’t ibang government infrastructures sa National Capital Region (NCR).
Ginawa ng kongresista ang pahayag kasunod na rin ng naranasang 6.3 magnitude na lindol sa North Cotabato at iba pang lugar sa Mindanao kung saan nasira ang tulay sa Bukidnon at napinsala rin ang ilang school buildings sa Kidapawan City nitong nakaraang linggo.
Sinabi ni Momo na unang isinalang sa ‘structural reinforcements’ ang mga tulay na tumatawid sa kahabaan ng Pasig River kung saan ang pinakahuling natapos ay ang Ayala bridge, na nagdurugtong sa Ermita at San Miguel, Manila.
Dagdag pa niya, sa ngayon ay nagpapatuloy ang ‘retrofitting program’ sa mga flyover, hindi lamang sa kahabaan ng EDSA kundi maging sa iba pang pangunahing lansangan ng Metro Manila bilang paghahanda sa pagtama ng high-intensity quake.
Subalit iginiit ni Momo na kailangan ding bigyang-pansin ang mga linya ng Light Rail Transit System (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), partikular ang pagpapatibay sa major infrastructure nito.
“Ito ang lagi kong sinasabi during committee hearings sa Department of Transportation (DOTr), kailangan din nilang ihanda iyong ating railway systems, the main infrastructure that carries the trains of LRT and MRT that was constructred about 20-25 years ago, kaya dapat ihanda natin ‘yan,” aniya.
Naniniwala naman si Momo na maaaring maging malaking problema kapag nagkaroon ng malakas na lindol ang mga pribadong istruktura, partikular ang residential buildings o houses na nakatayo sa mismong fault line at maging ang mga hindi kalayuan dito.
“Ang malaking problema ay itong private infrastructures, pero wala naman sa mga high rise buildings like hotels, condo among others that are designed to cope up with ‘The Big One’. Ang problema natin iyong maliliit na mga bahay especially ‘yung mga located along fault line or within the perimeter distance from the fault line. Sana itong residences na ito either mag-relocate already or they would reinforce or retrofit their building,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Samantala, umaasa si Momo na sa lalong madaling panahon ay maipapasa na ang panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), gayundin ang ganap na pagbuo nito upang tumugon sa iba’t ibang gawain ng pamahalaan patungkol sa pagkakaroon ng kalamidad.
“We are rushing up the bill that will create the Department of Disaster Resilience (DDR) that will focus on disaster preparedness, resilience, response, recovery and rehabilitation. Kailangan na maisabatas na, ma-organize na ang DDR within the year sana and it will do its function really and focus on anything about the disaster like mitigation.” ROMER BUTUYAN
Comments are closed.