TULOY ANG PASKO

pasko

ISANG malaking hamon para sa atin ang pagdiriwang ng Pasko sa gitna ng pandemya.

Marami ang nawalan ng trabaho, kabuhayan at ang pinakamatindi ay ang mga nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa coronavirus na patuloy na banta sa sangkatauhan.

Sa  pagsisimula ng impeksiyon sa Filipinas at sa buong mundo ay mistulang nangangapa sa dilim ang lahat dahil wala pang agarang lunas o gamot na nadidiskubre laban dito.

Mistulang dahon na tumiklop ang lahat. Nagsara ang  mga  negosyo, maging  ang mga kalsada, kabahayan, mga kainan, simbahan at marami pang iba.

Sa gitna ng lahat ng ito, nagtatanong ang isip ng marami: “May Pasko pa ba?”

Ngunit dahil likas sa mga Filipino ang pagiging malakas ang loob, maka-Diyos, madasalin at pagiging positibo, hindi maaring hintayin na lamang na lumipas ang araw ng Disyembre 25 nang ganoon na lamang. Kasabay ng pagluwag ng lockdown, at nagsimula nang masilayan ang unti-unting pagbubukas ng mga negosyo ay tila nalimot ng maraming Pinoy na may banta ng virus.

Dahil Pasko- dumagsa ang mga mamimili sa mga kilalang tianggehan sa  Divisoria, Baclaran, Taytay at sa mga mall para makapamili ng mga panregalo, panghanda sa Noche Buena at Media Noche.

Dahil Pasko-biktima man ng COVID-19, nalugi man sa negosyo, nawalan ng mahal sa buhay,  nawalan ng trabaho o kita, tuloy pa rin sa buhay  na  may halong pasasalamat.

Dahil Pasko- nasa abroad man o dito lang sa Pinas, tayo nang mag-virtual celebration.

Ika nga, harangan man ng sibat ay wala nang makapipigil sa pagdating ng Pasko.

Dahil ang Pasko ay selebrasyon ng pagdating ng Mesiyas, ng Panginoong Hesukristo na ang hatid ay pag-ibig, pag-asa, kapayapaan  at kagalakan sa ating lahat.

Kaya tayo nang mag-face mask, face shield at mag-social distancing at magdiwang ng Pasko.

Isang COVID-free Christmas sa lahat. SUSAN CAMBRI

Comments are closed.