TULOY PA RIN ANG PASKO

AMININ natin! Napaka-stressful ng holiday. Iisipin mo ang decorations, handa, parties, parlor games at higit sa lahat, regalo. Baka kasi isip ng monito mo ni hindi mo pinag-isipan ang regalong ibibigay mo.

Pati sakit mo iniisip mo rin. Baka kasi puro putok-batok ang handa, puro bawal sa may high blood at diabetis, mahirap na. Kawawa ka naman. Kaya sa halip na mag-enjoy ka, nai-stress ka pa. Saklap naman, pero keber. Minsan lang sa isang taon mag-celebrate, kaya kahit ano pang mangyari, tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.

Para sa ating opening salvo, magbigay tayo ng mga masasayang Christmas quotes na pwede ninyong i-share sa mga Christmas parties natin na may social distancing.

Halimbawa lang :

Tama si Santa Claus. Dapat, once a year lang binibisita ang mga kamag-anak. (Magastos kasi. Dapat, laging may pasalubong kahit hindi ka galing abroad. Kaso, once a year lang ang 13th month pay.).

Minsan, mahirap i-maintain ang Christmas spirit, kaya siguro nagkaroon ng Mr. Scrooge.

Sa totoo lang, may mga taong gusto kang yakapin dahil Pasko, at mayroon namang gusto kang sakalin dahil Pasko nga. At sabi rin nila, “keep your friends close, your enemies closer, at syempre ang mga resibo ng mga pinamili mo dahil napabili ka ng sobra, hindi mo na mabayaran ang credit card mo. Pasko na uli, nagbabayad ka pa ng utang, uutang ka na naman.

Sa Noche Buena, traditional ang hot chocolate pero optional ang kamag-anak. Bukod kasi sa mahirap humanap ng tunay na tablea, mahal pa kaya kasya lamang ito sa pamilya – hati-hati na lamang.

Ngayong holiday season, kahit ano pa ang pinaniniwalaan mong relihiyon, panandalian kang magnilay. Palagi nating sinasabing it is better to give than to receive. Oo naman. Kasi, kung nagbibigay ka, ibig sabihin, meron kang extra. Hindi ka naman magbibigay kung kapos ka. Nakakatuwa rin namang makatanggap ng regalo, kahit pa maliliit na bagay lang – ibig sabihin kasi, naalala ka kahit paano.Pero kung tatanungin mo ang iyong sarili, ano ba ang naibigay mo kay Kristo? Lahat kasi meron na siya.

Pero si Kristo raw ay nasa lahat ng taong nakakasalamuha mo. Ibig sabihin, si Kristo ay ang kapwa mo. Kung ano ang ibinigay mo sa kapwa mo, ibinigay mo rin kay Kristo. KAYE NEBRE MARTIN