TUMIGIL SA PAGTUTURO, ITINUTURONG SKILLS INIAPLAY SA NEGOSYO

NAGPAKAPRAKTIKAL sa kanyang desis­yon ang isang classroom teacher na tinalikuran ang kanyang 23 taong propesyon sa pagtuturo at sa halip, ginamit sa pagnenegosyo ang kanyang itinuturong skills na kanyang natutuhan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Job CarnateSi Job A. Carnate, taga-Delfin Albano, Isa­bela, ay isang titser sa loob ng halos 23 taon sa San Antonio National High School (SANHS) sa nasabi ring lugar, 18 taon sa pagtuturo ng MAPEH (Music, Arts, Physical Education and Health) at 5 taon sa technical vocational (tech-voc) curriculum. Siya rin ang sport coordinator ng nasabing paaralan.

Nabago ang kanyang 18 taong routine sa pagtuturo ng MAPEH noong 2013 nang magkaroon ng ‘principal swaping’ sa kanilang school division at ang napunta sa kanilang iskul ay principal na nagtuturo ng tech-voc.

Pinili siya na sumailalim sa technical vocational education and training (TVET) ng TESDA sa kursong Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC ll) at nang mag-graduate, siya na ang nagtuturo ng technical vocational track sa SANHS.

Maliban dito, nagpa-partime din si Job bilang SMAW trainer sa Abot-Alam Program, isang alternative learning system ng Department of Education (DepEd) sa pakikipagtulungan ng provincial government ng Isabela, para sa mga kabataan na walang kakayahang pumasok sa paaralan o out-of-school youth (OSY).

Siya ay SMAW NC lV holder, naging accredited (TVET) trainer at Competency Assessor sa kursong Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC ll hanggang magdesisyon siyang tuluyang magretiro sa serbisyo nitong June 2018 at personal na pamahalaan ang pagpapatakbo ng kanilang welding shop business na “Job Rych Metal Craft” na kanilang ipinatayo noong 2010.

Nakita kasi nilang mag-asawa na habang tumatagal ay lalong gumaganda ang takbo ng kanilang negosyo mula nang personal itong patakbuhin ni Job sa loob ng isang taon kung saan nag-leave ang huli sa kanyang trabaho.

“Sa kasalukuyan, ako po ay nag-retire na bilang isang guro. Napakalaking pasasalamat ko sa TESDA dahil mula noong nag-training ako, nakapag-put-up din ako ng business namin,” paglalahad ni Job.

Kung ihahambing aniya ang kanyang kinikita noong nagtuturo pa siya, ‘di hamak na mas maganda ang kinikita n’ya ngayon at lahat ng kanyang natutuhan sa TESDA ay kanyang iniaaplay sa kanyang negosyo.

Sa kagustuhan na mapatakbo nang maayos ang kanilang negosyo at matuto ng karagdagang kaalaman sa aspetong teknikal, muling sumailalim sa pagsasanay si Job para sa mas mataas na qualifications, gaya ng NC lll at NC lV sa SMAW.

Ang success story ni Job ay kasama sa top 20 nominees para sa Idols ng TESDA Award 2018 Self-Employed Category (TESDA-Region ll).

Lalo umano siyang na-inspire sa kanilang negosyo dahil ilan sa kanilang mga trabahador ay kanyang mga na­ging estudyante sa Abot-Alam program. Lahat sila ay sumailalim sa pagsasanay ng TESDA na naka-NC ll.

Ang kanyang wel­ding shop ay ginagamit din ng SANHS at Abot-Alam bilang laboratory o training ground ng mga nag-on-the-­job  training (OJT) na mga ­estudyante sa SMAW.

Labis ang kanyang kasiyahan dahil ang kanyang mga natutuhan na mga kakayahan sa TESDA ay nagagamit niya sa pagpapatakbo ng kanilang welding shop at nakatutulong din siya ngayon sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng naibibigay na trabaho.

Umaasa si Job na tuloy-tuloy pa ang pagbibigay ng tulong ng TESDA para sa ganoon ay mas marami pang matutulu­ngan na katulad din niya na talagang naghahanap ng ibang paraan para lalong maibigay rin ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Comments are closed.