MAYNILA-PINAWI ni Health Undersecretary at Spokesperson Rosette Vergeire ang pangamba ng publiko sa lumolobong kaso ng coro-navirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Health official na walang dapat na ipangamba ang publiko hinggil sa tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso ng nasabing virus.
Ayon kay Vergeire, ang mga naitatalang kaso ng sakit ay maaaring artipisyal lamang at hindi pa kakikitaan ng aktuwal na sitwasyon ng COVID-19 cases sa bansa.
Ipinaliwanag pa nito na dahil sa kakulangan ng testing kits at laboratoryo noon ay maraming ng kaso ang naitala at sa pagdating ng testing kits ay matutukoy naman ang mga bagong dinapuan.
“Posible kasi na ‘yung ibang nag-positive ay dati nang may ubo at dahil may testing kits na malalaman ang mga ngayon lang tinamaan ng COVID kaya maaaring masala at bumaba ang numero, “ani Vergeire.
Dagdag pa nito, sa sandaling matanggal na nila ang mga backlog ay saka pa lamang nila matutukoy ang tunay na pagtaas at pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.
“‘Yung mga pumapasok na resulta na nailalabas natin sa publiko, maaari ay hindi timely, kumbaga baka dati pa ho sila, hinahabol lang sa ngayon. It might be an artificial rise kaya ang ibinibilin natin sa ating mga kababayan huwag ho kayong magugulat,” paalala pa ni Vergeire sa isang pulong balitaan.
“In these coming days, kapag natanggal na po natin lahat ng backlogs makikita na po natin ang totoong mga numero sa pagtaas o di kaya pagbaba dito sa ating bansa,” dagdag pa nito.
Sa pinakahuling tala, hanggang 4:00 ng hapon ng Marso 24 ay pumalo na sa 552 ang kumpirmadong kaso ng virus sa Pilipinas, at 35 sa kanila ang binawian ng buhay, habang 20 naman ang nakarekober na. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.