“GAYON ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang, ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw.” (Kawikaan 1:19)
Noong bata pa si Haring Solomon, mahal na mahal niya ang Diyos. Nakikiisa siya sa lahat ng layunin ng Diyos. Gustong-gusto niyang maging isang haring marunong at makatuwiran para mapamahalaan nang mabuti ang bayan ng Diyos na Israel. May takot siya sa Diyos at masunurin sa kalooban ng Diyos. Mapagkumbaba siya at alam niya na wala pa siyang masyadong alam, kaya kailangang-kailangan niya ng gabay ng Espiritu ng Diyos.
Dahil ginawa siya ng Diyos na ubod ng dunong, batid niya na mayroong kayamanang nanggagaling sa pagpapala ng Diyos at mayroon ding kayamanang galing sa kasamaan na hindi kinalulugdan ng Diyos.
Ang kayamanang galing sa Diyos ay regalo ng Diyos sa mga taong inuuna ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran. Ang tunay na kayamanan ay regalo ng Diyos.
Subalit ang kayamanang galing sa masama ay walang pagpapala ng Diyos, kaya puspos ito ng kaguluhan at kabalisahan. Maaari pa ngang umikli ang buhay ng isang tao sa kayamanang ganito, dahil maraming ibang taong nasaktan siya at gusto nilang maghiganti sa kanya. Ayon sa turo ni Solomon, ang masamang kayamanan ay mula sa pusong sakim sa pakinabang. Ang gumagawa nito ay nagmamahal sa pera. Dinidiyos nila ang pera. Sa Pilipinas, tinatawag natin ang mga taong ganito na “mukhang pera.” Ang sabi ng Bibliya, mapanibughuin ang Diyos. Ang gusto Niya ay Siya dapat ang pinakauna at pinakamataas nating pagmamahal. Ayaw Niyang may karibal Siya sa pagmamahal ng tao. Ang turo ni Jesus, “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.” (Mateo 6:24)
Naalala ko ang isang pinsan ko na isang mahusay na arkitekto na nagtrabaho sa Singapore. Ang laki ng kita niya. Ang laki-laki ng kanyang tahanang condominium sa BGC. Napaka-in demand niya. Kaya lumipat siya sa Dubai at doon nagtrabaho. Malalaki ang kanyang mga proyekto at malaki ang kita niya. Mayroon siyang kaibigang Pilipino na lubos niyang pinagkakatiwalaan. Naisipan ng kaibigan niyang pumasok sa isang financial scheme. Nilapitan niya ang maraming Pilipino sa Dubai para mag-invest sa kanyang negosyo. Para maakit niya sila, nangako ang taong ito ng malaking balik sa puhunan o Return on Investment (ROI). Nag-invest nga ang pinsan ko sa negosyo ng kaibigan niya. Tumupad naman sa pangako ang kaibigan niya noong umpisa. Malaki ang ROI sa puhunan ng pinsan nko.
Kumbinsidong-kumbinsido ang pinsan ko na napakagandang investment nga iyong pinasukan niya. Sa tingin niya, iyon ang magpapayaman sa kanya at pati na sa mga kapatid niyang nasa Pilipinas na hindi gaanong maasenso. Kaya ang ginawa ng pinsan ko, sinulatan, kinausap at kinumbinsi niya ang lahat ng kakilala niya, lalo na ang mga magulang at kapatid niya. Inenganyo pa niya na umutang sila sa bangko dahil ang ROI ay ‘di hamak na mas mataas kaysa sa interes na sinisingil ng mga bangko. Ganoon nga ang ginawa ng mga magulang at kapatid niya. Lahat ng available nilang pera at ipinuhunan sa negosyo ng kaibigan ng pinsan ko. Hindi lang iyon, isinanla pa nila ang kanilang mga ari-arian para makautang sa bangko at ipinuhunan din sa negosyo.
Habang patuloy na maraming mga taong naaakit na sumali at mamuhunan, tumatanggap ang lahat ng ipinangakong ROI. Tuwang-tuwa ang pinsan ko at ang mag-anak niya. Ang pakiramdam nila, parang naka-jackpot sila; ito na nga ang magpapayaman sa kanila. Malungkot man sabihin subalit nagahaman silang lahat sa pera. Nadaya sila ng malaking ipinangakong ROI. Nasilaw sila. Parang nagmukhang pera sila. Naging bulag sila sa peligro.
Hindi maipaliwanag ng pinsan ko, subalit ang kaibigan niyang iyon ay bigla na lamang naglaho. Umalis ng Dubai at lumipat sa ibang bansang walang nakakaalam kung saan. Biglang-bigla, wala nang dumating na kita para sa kanilang lahat. Ginawa ng pinsan ko ang lahat ng magagawa para ma-contact ang kaibigan niya, subalit balewala. Hindi talaga siya makapaniwalang magagawa iyon ng kaibigan niya. Ninong pa sa binyag ng mga anak niya ang taong iyon. Matalik niyang kaibigan iyon. Marami silang pinagsamahan. Subalit ganyan talaga ang panlilinlang ng pera. Nang hindi na talaga mabawi ng mga investors ang pera nila, lahat sila ay nagalit sa pinsan ko. Samantala, kinagat ng konsiyensiya ang pinsan ko dahil sa mga pangyayari. Siya ang nag-guarantor kaya nakumbinsi silang pumasok sa negosyo. Para mahimasmasan ng kaunti ang galit nila, ipinagbili ng pinsan ko ang lahat niyang ari-arian para mabayaran ang ilang tao. Subalit kulang pa rin. Wala na siyang ari-ariang puwedeng maipambayad. Nagsimula na rin siyang magtago.
May Ilang taong gustong saktan o patayin ang kawawa kong pinsan, dahil nagkabaon-baon sila at napariwara ang buhay nila dahil sa pag-eengganyo ng pinsan ko na mag-invest sila.
Ito rin ang babala na binigay sa atin ni Haring Solomon, “Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang, ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw.” (Kawikaan 1:19). Nakatira tayo sa sanlibutang punong-puno ng kasamaan. Lahat ng tao ay makasalanan. Kaya dapat tayong mag-ingat. Iwasan natin ang mapanlinlang na kayamanang inaalok ng mundo. Ang hanapin natin ay ang kayamanang nagmumula sa pagpapala ng Diyos.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)