“ANG bukid ng mahihirap, may pangakong kasaganaan, ngunit ito’y nasasayang dahil sa kawalan ng katarungan.” (Kawikaan 13:22)
Sabi ng salawikaing Filipino, “Kung walang katahimikan, walang pagsulong ang bayan.” Isang malaking sumpa sa isang bansa ang kawalan ng katahimikan at katarungan. Ang sabi naman ng salawikaing Latin, “Homo homini lupus.” (Sa Tagalog, “Ang tao ay asong-gubat sa kapwa tao”).
Maraming bully sa mundo. Totoo ang sabi ng Bibliya na lahat ng tao ay makasalanan. Kung hahayaan nating ipahayag ng tao ang kanyang katutubong kalikasan, mang-aapi iyan sa mga mas mahina sa kanya. Mahirap burahin ang mga mapang-aping tao sa mundo. Kahit nga sa mga paaralan, kahit na nasa batang gulang pa lang ang mga estudyante, marunong na silang mam-bully ng mga maliliit at mahihinang kapwa estudyante. Sa mundo naman ng mga matatanda, naririyan ang mga crime lords, mga sindikato, mga mafia, mga mangingikil, mga terorista, atbp.
Mayroon akong kakilalang abogadong miyembro ng simbahan. Ang asawa niya ay kapatid ng asawa ng isang mayaman at makapangyarihang politician. Ang kuwento ng kakilala ko, ang politician na ito ay may real estate business. Marami siyang ari-ariang malalawak na lupain sa buong Pilipinas. Yumaman ang politician na ito dahil sa modus operandi na land grabbing. Mayroon siyang malaking korporasyon na nag-eempleyo ng mga magagaling na abogado at mayroon siyang koneksiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno. Pag may nagustuhan siyang lugar na puwedeng gawing subdivision o low-cost housing project, nakikipagsabwatan ang kanyang kompanya sa ilang tao sa gobyerno para makagawa ng mga pekeng titulo sa lupa. Marami siyang perang kayang pakilusin. Sinusulatan ng kompanya niya ang mga maliliit na totoong may-ari ng mga lupa para umalis.
Siyempre, magpapakita ng land title ang mga totoong may-ari. Subalit magpapakita rin ng sariling land title ang kompanya. Mag-aalok ng malaking halaga ang kompanya sa mga totoong may-ari para umalis sila o kaya ay pumayag na lamang na ibenta ang lupa nila. May ilang pumapalag at nagsasabing maghahabla sila sa korte. Magkakaroon ngayon ng labanan sa korte. Subalit napakalaki ng kaban ng pera ng kumpanya at ang mga totoong may-ari ay mga maliliit na tao lamang. At maraming koneksiyon ang kompanya sa ilang taong-gobyerno. Ano ang ilalaban ng mga mahihirap? Kung matutuloy ang hablahan, madalas ay natatalo ang mga maliliit, o kaya ay napipilitang tumaggap na lang ng pera. Kaya ang mga magagandang lupain sa maraming lugar sa Pilipinas ay napapasakamay ng kumpanya. Kaya ngayon, napakarami ng mga subdivision na inaari ng kompanya. Kawawa talaga ang mga mahihirap. Biktima sila ng kawalan ng katarungan sa lipunan. Hindi kataka-taka kung bakit laganap ang kahirapan sa ating bansa.
Nag-abiso ang lola ko sa amin na umiwas kami sa pulitika dahil marumi raw ang larangang ito. Maaari raw matukso ang isang tao na malasing sa kapangyarihan at masira ang pagkatao. May kasabihang “Power corrupts and absolute power corrupts absolutely.” (Nakakasira ng pag-uugali ang kapangyarihan). Hindi mapigilan ng ilang politiko na magkamal ng pera at kapangyarihan dahil gusto nilang manatili sa puwesto at dahil maraming ibang politician na gustong makipagkumpetensiya sa kanila. Ang ilang kalaban nila ay handang gumamit ng dahas para maagaw ang kapangyarihan. Kaya madalas na matukso silang magpanatili ng mga private army (isang hukbo ng mga body guard) para maprotektahan ang kanilang interes. Kung minsan, hindi maiwasan ng kanilang hukbo na gumamit ng pananakot o dahas sa ibang tao.
Ang turo ng Bibliya, ang pangunahing tungkulin ng isang mabuting pamahalaan ay ang tiyaking naghahari ang katarungan sa bayan. Katarungan ang matibay na pundasyon ng kapayapaan, kaayusan at kaunlaran sa isang lipunan. Dapat sana ay mayroon ang gobyerno ng propesyonal, disiplinado at makadiyos na kapulisan at kasundaluhan para matiyak na mapapasunod ang mga mamamayan sa batas at maging pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng tao, mayaman man o mahirap. Kung makatarungan ang lipunan, malayang makapaghahanap-buhay ng maayos ang mga tao. Walang mag-aapi sa mahihirap. Magiging produktibo ang lahat ng tao. Lalakas ang ekonomiya. Magkakaroon ng sapat na kita ang lahat. Dadami ang buwis na ibabayad sa gobyerno. Uunlad ang bansa.
Ang bansang Singapore ay dating mas mahirap pa sa Pilipinas. Dati ay maraming pirata, bandido, sindikato at mga kriminal sa bansang iyon. Subalit nang magkaroon sila ng mahusay at tapat na pinuno, nagkaroon ng kaayusan, disiplina, at katarungan ang kanilang lipunan. Ang kanilang kapulisan at kasundaluhan ay kilalang-kilalang “incorruptible” o hindi nasusuhulan. Ang mga empleyado ng gobyerno ay modelo ng efficiency at serbisyong pampubliko. Ngayon, ang Singapore ang isa sa pinakamayamang bansa sa mundo. Tama si Haring Solomon, kailangan ng katarungan para maiwaksi ang karalitaan.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)