TURO NI HARING SOLOMON: KASIPAGAN ANG NAGPAPAYAMAN

“NAGBUBUNGA ng kahirapan ang katamaran; subalit nagbubunga ng kayamanan ang kasipagan.” (Kawikaan 10:4)

Trabaho ang pinagmumulan ng paglikha ng anumang produkto o serbisyo na ginagamit sa lipunan. Trabaho rin ang ginagantimpalaan ng suweldo. Malinaw na ang taong masipag sa trabaho ay maraming nagagawa, kaya nakalulugod siya sa kustomer o boss, at ginagantimpalaan ng mas mataas na puwesto at mas malaking suweldo.

Samakatuwid, siya ang yayaman paglipas ng panahon. Ang taong tamad sa trabaho ay kaunti lang ang nagagawa, kaya kinaiinisan siya ng kustomer o amo, at binibigyan lang ng maliit na suweldo, at maaaring matanggal sa trabaho. Masakit pakinggan, subalit ang mga taong tamad ay dapat lang talagang matanggal sa trabaho at hayaang magutom. Ang sabi ng Bibliya, “Ang ayaw magtrabaho ay dapat huwag pakainin.” (2 Tesalonica 3:10). Kagutuman ang karapat-dapat na ganti sa mga taong tamad. Pag pakakainin mo ang mga tamad, dadami ang bilang nila. At hindi “fair” o makatarungan para sa mga masisipag na ang tatanggapin ng tamad ay pareho lang ng sa kanila. Pag ganyan ang maling patakaran ng isang kompanya, panghihinaan ng loob ang mga masipag. Bakit gagantimpalaan mo ang katamaran? Bakit kukunsintihin mo ang mga taong batugan?

Alam kong maganda ang hangad ng gobyerno kung bakit sila nagbibigay ng ayuda o pera sa mga mahihirap. Ito ay gawain ng mga opisinang kagaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang tanong ko lang ay: nakatutulong ba sila nang permanente sa mga taong mahihirap? O pinamimihasa lang nila ang mga ito? Ang kasabihan ni Lao Tse, isang pilosopong Tsino ay “Give a man a fish, you helped him for a day; teach him how to fish, you helped him for a lifetime.” (Bigyan mo ng isda ang isang tao, tinulungan mo siya ng isang araw; turuan mo siyang mangisda, tinulungan mo siya habambuhay).

Kaya ano ang pinakamainam na tulong sa mga taong mahihirap? Para sa akin, ang solusyon ay bigyan ang mga mahihirap ng trabaho at sapat na suweldo, hindi ang bigyan sila ng libreng pera. Ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang lumikha ng maraming trabaho para sa mga mamamayan. Siguro kailangang magtayo ng maraming government-owned and controlled corporations (GOCC) para lumikha ng maraming trabaho. Subalit ang pinakamabuti ay ang suportahan at itulak ang pribadong sektor na magtayo ng maraming negosyo, pabrika, opisina, sakahan, at mga proyekto para magbigay ng trabaho at sapat na suweldo sa mga Pilipino. Hindi dapat puro ayuda ang atupagin ng gobyerno. Maganda ang programa ni dating Pangulong Duterte na ‘Build Build Build’ dahil lumikha ito ng maraming trabaho at infrastructure na kailangan sa kaunlaran. Si Pangulong Marcos naman ay mayroong “Build more and better.” OK din po ito. Sana maisipan din nilang magkaroon ng programang “Trabaho trabaho trabaho.”

Dapat ay gawing layunin ng gobyerno ang maabot ang 100% employment sa bansang Pilipinas. Lahat ng Pilipino na gustong magtrabaho, lalo na kapag tapos na ng kolehiyo, ay dapat awtomatikong mabigyan ng trabaho at minimum wage. Dapat din ay awtomatikong maging kwalipikado sa pabahay ang mga may trabaho – house and lot man o condo. Dapat din ay obligado silang umattend ng compulsory “continuous education and training.” Dapat silang turuan ng mga paksang work ethics, kasipagan, respect for authority, financial literacy, kahusayan, entrepreneurship at pagmamahal sa bansa.

Dapat sana lahat ng LGU sa Pilipinas ay maglayong magtayo ng maraming mga pabrika o pagawaan sa kanilang lungsod o probinsya para maabot ang 100% employment sa bansa, hindi puro basketball court. Ang pag-abot ng 100% employment ay ang pinakamagandang programang maaaring mapatupad ng gobyerno. Hindi ang ayuda, ayuda, ayuda. Ang ayuda ay pagpaparami lang ng mga taong mahihirap. Kahit maubos pa ang lahat ng pera ng gobyerno sa kabibigay ng ayuda, kulang pa rin iyan para bigyan ng ayuda kada araw o kada buwan ang mga mamamayang mahihirap. Araw-araw, magugutom pa rin sila at kailangan na namang bigyan ng ayuda ng gobyerno.

Napaka-popular pakinggan na may mga politiko na nangangako sa taumbayan, “Kung kayo ay mahirap o estudyante, pumunta lang kayo sa aming opisina at bibigyan namin kayo ng ayuda. P1,000 kada buwan!” Pamumulitika lang iyan. Nagpapalapad ng papel. Nakikipag-popularity contest. Subalit hindi talaga nakakatulong. Akala mo lang tumutulong, pero sa totoo lang, ginagawa nilang lalong mahihirap at mga walang dignidad ang mga Pilipino. Sa aking palagay, kulang sa katalinuhan at common sense ang mga programang ganyan. Isang kahangalan.

Ang magpapaalpas sa tao mula sa kahirapan ay kasipagan! At para magamit ang kasipagan, dapat muna ay mayroong trabaho. Ang maraming Pilipino ay puwedeng arkilahin bilang mga manggagawa. Ang ilan ay dapat engganyuhing maging mga negosyante. Magandang programa rin ang bigyan ng pagsasanay ang maraming Pilipinong magsimula ng negosyo. Pagkatapos ng pagsasanay, dapat ay may kasunod na mentoring o pagpapayo para talagang magsimula at magtagumpay sa negosyo. Puwede ring magtayo ang gobyerno ng isang “Philippine Marketing Authority” na walang gagawin kundi i-market o i-promote ang mga Filipino products sa iba’t ibang probinsya natin at sa ibang mga bansa.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)