TURO NI HARING SOLOMON: MAG-ARI NG HAYUPAN

“KUNG saan walang baka, ang kamalig ay walang laman, datapwat sa maraming baka, sagana ang anihan.” (Kawikaan 14:4)

Sa negsoyo, ang tubo ng may-ari ay galing sa kasobrahan ng benta kaysa sa gastusin. Kung ang benta mo ay isang daang piso, at ang gastos mo ay walumpung piso, ang tubo mo ay dalawampung piso. Ang isa sa pinakamalaking gastusin sa negosyo ay ang bayad sa manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit noong unang panahon, naging kaugalian ang pagmamay-ari ng mga alipin.

Kabilang sa kayamanan ng mga hari at rajah ay ang mga alipin. Sa pamamagitan nila, libre ang gastos sa manggagawa. Subalit sa modernong panahon, bawal ang pang-aalipin. Hindi makatao ito.

Si Haring Solomon ay ubod nang dunong; ito ang pinagmulan ng kanyang malaking kayamanan. Pinag-aralan niya ang kasaysayan ng bayang Israel. Natutunan niyang ang bayan niya ay binigyan ng Diyos ng Pinangakong Lupa. Pagpasok nila, may mga taong nakatira roon na karumal-dumal ang mga kasalanan. Ito ang mga Canaanita. Kaugalian ng mga ito ang paghahandog ng kanilang mga inosenteng sanggol bilang alay na susunugin para sa kanilang mga diyos-diyosan. Bukod dito, grabe ang mga kasalanang sexual na ginagawa nila. Kinamumuhian ng Diyos ang mga gawaing ito. Dahil sa masasamang gawain ng mga taong ito, iniutos ng Diyos sa Israel na puksain ang mga Canaanita. Ayaw ng Diyos na mahawa o gumaya ang bayang Israel sa mga kasalanan ng mga taong ito. Subalit dahil sa katamaran, hindi lubos na sumunod sa utos ang mga Israelita. Hindi nila pinuksa ang mga Canaanita. Nagtira sila ng ilan. May isang grupo ng mga Canaanita na nanlinlang sa mga Israelita. Sinabi nila na hindi sila Canaanita, kundi ay galing sa malayong l
ugar, at gusto nilang makipagkasunduan ng kapayapaan sa mga Israelita. Nanumpa sa Diyos ang Israel na hindi nila pupuksain ang mga nakipagkasundong taong ito. Di nagtagal, natuklasan nila na ang mga taong ito ay mga Canaanita nga. Hindi na puwedeng puksain ng Israel ang mga ito dahil sumumpa sila sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang sumisira sa panunumpa. Nangako ang mga Canaanitang payag silang maging alipin ng Israel; huwag lang silang patayin.

Paglipas ng panahon, dumami ang mga inanak at inapo ng tribong ito. Katabi nila ang mga Israelitang nanirahan sa lupain. Nang maging Hari ng Israel si Solomon, napag-aralan niya ang matandang kasunduang pumayag ang mga natirang Canaanita na maging alipin ng Israel, bilang kapalit ng hindi pagpatay sa kanila. Kaya ginamit ni Solomon ang mga Canaanitang ito bilang mga libreng manggagawa na nagtayo ng mga gusaling pinagawa niya. Malaki ang natipid ni Solomon; nakadagdag sa pagyaman niya at ng kanyang bansa ang paggamit ng istratehiya niya.

Sa panahon natin ngayon, hindi tayo puwedeng mang-alipin ng kapwa tao. Subalit puwede tayong mag-ari ng mga hayop para magtrabaho para sa atin. Walang bayad sila. Kailangan lang na pakainin natin ng damo ang mga ito.

Nagtatrabaho ako ngayon sa agrikultura sa aking sakahan sa Mindanao. Bumili ako ng kalabaw. Malaking ginhawa sa akin ang hayop na ito dahil siya ang naghahakot ng mga mabibigat na kagamitan para sa aking mga proyekto. Nang magpagawa ako ng bahay, ang pinakamalaking gastos ko ay bayad sa manggagawa. Subalit dahil sa aking kalabaw, nakatipid ako sa gastusing pangmanggagawa. Ang katumbas ng aking kalabaw ay limang lalake sa pagbubuhat ng mga semento, buhangin, bakal, tiles, plywood, at iba pang gamit sa paggawa ng bahay. Nagtanim kami ng asawa’t mga anak ko ng mga abaca, rubber trees, fruit trees, falcata, atbp. Malaking tulong na naman ang aking kalabaw. Siya ang naghahakot ng mga inaning prutas, dagta ng goma, o pinutol na kahoy. Ang mga kapit-bahay namin ay may tanim na mga falcata. Pag mag-aani sila ng kahoy, nagrerenta sila ng mga kalabaw para maghakot. Inaarkila nila ang kalabaw namin at kumikita kami dahil sa lakas ng aming masipag na hayop. Hindi lang iyon, nanganganak ang hayop. Gumamit ka
mi ng artificial insemination; nabuntis ang kalabaw namin, at nanganak ito ng batang kalabaw.

Ang dumi ng kalabaw ay importanteng sangkap sa paggawa ng organic fertilizer. Ginagamit naming libreng pataba sa aming mga tanim ang dumi ng kalabaw. Talagang maraming pakinabang ang pagkakaroon ng nagtatrabahong hayop. Tama ang sinabi ni Haring Solomon. Oo, magiging malinis nga ang kamalig mo kung wala kang hayop na dumudumi. Subalit, dahil sa lakas at sipag ng kalabaw, nagiging madali at mabilis ang trabahong pang-agrikultura. Nagpapayaman ang alagang hayop. Para sa mga Amerkano, ang matalik na kaibigan ng tao ay ang aso. Subalit para sa ating mga Pilipino, ang matalik na kaibigan ng isang magsasaka ay ang kalabaw. Kaya ang payo ko, para yumaman, mag-ari at mag-alaga ng mga hayupan. Kalooban ito ng Diyos.

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)