TURO NI HARING SOLOMON: SUMUNOD SA MAKA-BIBLIYANG PAYO

“ANG sumusunod sa payo ay mananagana, at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.” (Kawikaan 16:20)

May kaibigan ako sa simbahan na tawagin nating si Bert. Matagal na kaming magkaibigan kaya parang magkakapatid na ang turing namin sa isa’t isa. Dati siyang empleyado sa isang Law Office na siyang lumalakad sa mga patent application. Nang ma-burn out siya sa pagiging empleyado, naisipan niyang magbitiw sa trabaho at magtayo ng sariling negosyo. Tumanggap siya ng malaking separation pay. Ginamit niya ang pera para sa pagtatayo ng negosyong ang gawain ay ang paglakad ng mga papeles para makakuha ang mga kliyente ng patent sa Intellectual Property Office (IPO) ng Pilipinas.

Mahusay siya sa ganitong trabaho. Subalit dahil nagsisimula pa lang siya, binigyan ko siya ng payong kapa0d na sa bahay na lang muna magtayo ng opisina, huwag magrenta ng mamahaling opisina, at huwag muna kumuha ng maraming empleyado. Sabi ko, mga miyembro ng pamilya niya ang tumao muna sa opisina, o kaya ay kumuha ng kasambahay na sasanayin niya sa ilang gawaing opisina. (Ang payo kong ito ay batay sa matagumpay kong karanasan nang magsimula ako ng negosyo ko. Sa bahay lang ako nag-opisina, ang misis ko ang katulong ko, at kumuha ako ng iisang empleyado para gawin ang lahat ng trabahong administratibo.)

Nakahihinayang dahil hindi sinunod ni Bert ang payo ko. Ang sabi niya, kailangan daw na mayroon siyang isang kahanga-hangang opisina para makaakit ng malalaking kliyente. Mayroon siyang mga kliyenteng dayuhan at ang transaksiyon nila ay sa pamamagitan lang ng internet. Gumastos si Bert ng malaking pera para malakad ang mga dokumento sa pagpa-patent para sa produkto ng mga dayuhang kliyente. Ang kasunudan nila ay ire-reimburse ng kliyente ang lahat ng ginastos ni Bert. Subalit nang makuha na ang patent registration, hindi nagbayad ang mga kliyenteng dayuhan. Walang habol si Bert dahil sa internet lang sila nag-usap; hindi niya alam kung sino talaga ang kausap niya at saan ang address ng mga ito. Ang laki ng lugi ni Bert. Marami siyang empleyadong sinusuwelduhan kahit wala namang ginagawa; naghihintay lang ng suweldo nila. Dahil si Bert ay laging nasa labas ng opisina para maglakad ng mga papeles, hindi niya lubos na mabantayan ang mga tauhan niya.

Malungkot isipin na walang malasakit kay Bert o sa kanyang opisina ang kanyang mga empleyado. Dumating ang panahon na naubos na ang milyong pisong ipon ni Bert at hindi na niya mapasuwelduhan ang mga empleyado o mabayaran ang renta ng opisina. Nang magipit na siya sa pera, isinuko na niya ang nirentahang opisina, 0nanggal ang mga empleyado, sa bahay na lang nagtayo ng opisina, at ang misis at anak niya ang naging tauhan niya. Ito ang payo ko sa kanya noon pa lang simula.

Doon naman sa simbahan namin, nagbigay ako ng libreng seminar tungkol sa wastong pangangasiwa ng pera. Marami ang sumama sa seminar ko. Binigyan ko ng diin na mag-ingat sa mga swindler dahil parami nang parami ang mga ito, at dapat ay sumunod sila sa mga prinsipyo ng Bibliya tungkol sa kaperahan. Sigurado akong mayroon namang ilang nakinig sa itinuro ko; subalit may ilang hindi. Mayroon kaming kasapi na ang kapitbahay ay nagpanggap na matagumpay na negosyante, naghahanap ng mga investor, at nangangako ng malaking tubo sa puhunan. Inudyok niya ang kakilala ko na maging ahente na hahanap ng mga investor at pinangakuan siya ng commission na P10,000 bawat investor na makuha.

Kumbinsido siya na totoo ang alok ng manloloko dahil nakita niyang marami naman itong ari-arian. Hindi niya ako inalok marahil dahil alam niyang hindi ako basta-basta nagpapaniwala sa investment na ganito, gaya ng itinuro ko sa seminar. Ang nilapitan niya ay ang ibang miyembro na sumama sa aking libreng seminar. Sinabi niya na pag nag-invest sila, kikita ng 5-10% interest per month ang kanilang puhunan. Marami siyang naakit. Noong una, habang nakakakuha pa ng mga investor, nagbabayad naman ang manloloko ng pinangakong tubo. Subalit nang wala nang makuhang bagong investor, biglang sinabi na mahina raw ang takbo ng kanyang negosyo, kaya hindi na niya maibibigay ang pinangakong 5-10% interest; ang maibibigay na lang niya ay 1-2% interest per month. Nang sinubukang ilabas ng ilang investor ang puhunan nila, hindi na nila mailabas. Nagalit sila sa kakilala naming naging ahente. Naipit siya, at para huwag magalit sa kanya, nag-garantor siya na siya ang magbabayad kung hindi magbabayad ang manloloko.

Naging malaking iskandalo sa simbahan ang nangyari. Ang sabi ng ilang biktima, “Tama pala ang sinabi ni Rex sa atin sa seminar. Sana pala ay nakining na lang tayo sa payo niya.” Nang marinig ko ang mga salita nila ng pagsisisi, nainis ako. Sabi ko sa sarili, “Bakit kailangang magsisi sa huli. Kung naging marunong lamang sana sila at hindi matigas ang ulo, naiwasan sana nila ang ganitong sakit ng damdamin, pag-aaway ng magkakapatid, at iskandalo sa buong simbahan. Naging kasiraan sa patotoo ng simbahan at sa pangalan ng Panginoon ang mga pangyayari.

Napagtanto kong marami palang mga tao ang buong buhay na uma-attend ng simbahan at nakikinig sa mga pangaral mula sa Bibliya, subalit hindi natututo. Parang mas malakas ang hila ng pagmamahal sa pera sa puso ng tao kaysa ng pagmamahal sa Panginoon. Kaya pala sinabi ni Jesus, “Hindi ka puwedeng maglingkod sa dalawang panginoon. Dahil mamahalin mo ang isa at kamumuhian ang pangalawa. Hindi ka puwedeng magmahal sa Diyos at sa pera.” Para maging matatag ang a0ng pagyaman, sumunod tayo sa mga maka- Bibliyang payo.

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)