“ANG kayamanang nakuha sa kawalang-kabuluhan ay mawawala; subalit ang nag-iipon sa pamamagitan ng kasipagan ay yayaman.” (Kawikaan 13:11)
Ang hula ni Apostol Pablo, “Sa mga huling araw, magiging magulo ang sanlibutan dahil ang mga tao ay magiging mapagmahal sa sarili at mapagmahal sa pera.” (Tingnan sa 2 Timoteo 3:1-2). Ayon sa mga nagaganap sa mundo ngayon, malinaw na tayo ay nabubuhay na sa mga huling araw ng kasaysayan ng tao. Malapit nang bumalik ang Panginoong Jesus. Pasama nang pasama ang ugali ng mga tao. Patindi nang patindi ang kanilang pagkagahaman sa salapi. Magiging mukhang pera ang maraming tao. Mawawala na ang paggalang at pagkatakot sa Diyos. Isa sa mga kasamaang ipamamalas ng maraming tao ay ang pagdami ng mga manloloko o swindler o scammer.
Sinabi rin ni Pablo, “Ang pagmamahal sa pera ay isang ugat ng lahat ng mga kasamaan.” Dahil sa pagmamahal sa pera at labis na katamaran ng mga tao, makakaisip sila ng samut saring panloloko para mahuthot ang pera na pinaghirapang ipunin ng mga taong walang-muwang. Magbebenta sila ng pangako at marami namang mga uto-uto ang maniniwala sa kanila. Ang pangako nila ay kung mamumuhunan ka sa kanilang mga pakanang pananalapi, dodoble ang pera mo sa loob lamang ng ilang buwan. Marami namang matutuksong pumasok sa ganoong gawain. Sa papel, oo, makikita ng mga namuhunan na tila lumalaki nga ang pera nila; maeenganyo silang magpasok ng mas maraming pang pera; ibebenta nila ang kanilang mga ari-arian at mangungutang pa para lang makapasok ng mas malaking puhunan. Subalit sa papel lang ang paglaki ng pera nila; hindi na nila mailalabas pang muli ang mga perang ipinasok nila. Isang dambuhalang kasamaan at kahangalan! Pagkatapos, biglang maglalaho ang mga may-pakana. Sa huli na mapagtatanto ng mga namuhunang uto-u
to na naloko sila. Magagalit sila. Magsusumbong sila sa kapulisan o sa naaangkop na ahensiya ng gobyerno, subalit bale-wala ang lahat. Walang mangyayari. Hindi na nila mababawi ang kayamanang ipinuhunan nila. Lalo pang darami ang mga manloloko. Hindi mapipigilan ito. Hindi mababali ang hula ng Bibliya, “Sa mga huling araw, magiging magulo ang sanlibutan dahil ang mga tao ay magiging mapagmahal sa sarili at mapagmahal sa salapi.”
Iyan ang masamang kahihinatnan ng pagmamahal at pagsamba sa pera. Ilang ulit tayong binalaan ng Panginoon, “Hindi mo puwedeng mahalin ang Diyos at ang pera. Mamahalin mo ang isa at kamumuhian mo ang ikalawa.” Ang nagmamahal sa pera ay namumuhi sa Diyos. Ang pagkamuhi sa Diyos ay may kaukulang parusa. Ito rin ang itinuro ng marunong na si Haring Solomon tatlong libong taon na ang nakararaan, “Ang kayamanang nakuha sa kawalang-kabuluhan ay mawawala.”
Makakaisip ang maraming tao ng samu’t saring mapanlinlang na paraan ng pagyaman, subalit lahat ng kayamanang ito ay madali ring mawawala. Marami na tayong nababalitaang mga taong biglang yumaman at di naglaon ay bigla ring naghirap. Marami ang nanalo sa sweepstakes o lotto na biglang yumaman, at makalipas lang ang ilang buwan o taon, ay bumalik na naman sa lubos na pagkadalita.
May mga batikang manlalaro sa isports o mga artista ang yumaman sa panahon ng kanilang kasikatan subalit dahil sa mga maling kapasyahan, ay bumalik na naman sa pagiging mahirap, at sa katandaan nila ay nagmamakaawang abutan sila ng tulong. Ito ang ibig sabihin ni Solomon na “kayamanang nakuha sa kawalang-kabuluhan.” Ito ay ang pagkakamal ng salapi sa pamamagitan ng madali o mabilis na paraan gaya ng “get rich quick schemes,” at hindi sa pamamagitan ng kasipagan.
Ang turo rin ni Haring Solomon, “Ang nag-iipon sa pamamagitan ng kasipagan ay yayaman.” Ang subok na paraan ng pagyaman na pinagpala ng Diyos ay sipag at tiyaga sa trabaho, kahusayan (excellence), work ethics, at malinis na pamumuhunan o pagnenegosyo. Dapat sana ang bawat tao ay humanap ng malinis na trabaho o negosyo. Kung hindi ka isip-negosyante, mabuti pa ay mamasukan ka na lamang sa isang matatag na kumpanya o ahensiya ng gobyerno, pagkatapos ay maging matapat ka sa trabaho, maging todo-bigay sa gawain, magalang sa iyong amo, mapaglingkod sa mga customer, at mabuting makiugnay sa mga kapwa empleyado. Habang tumatanggap ka ng suweldo, maging matipid at palaipon.
Kung ikaw naman ay may isip at husay sa negosyo (na madalas ay namamana sa mga negosyanteng magulang) magsimula ka ng negosyong malinis, kabisado mo, at kinasasabikan mo. Huwag kang papasok sa negosyong mandaraya, o hindi mo kabisado, o hindi mo kinagigiliwan (passion). Kung mahusay kang magluto, pumasok ka sa negosyong karinderya o restaurant. Kung magaling kang magluto ng tinapay o cake, magtayo ka ng bakery o bake shop. Kung magaling kang gumawa ng tosino, langgonisa, hamon, atbp., iyon ang pasukan mong negosyo.
Kung matalino ka at mahilig magturo, magtayo ka ng tutorial business o paaralan o consultancy company. Higit sa lahat, anuman ang negosyong itatayo mo, ialay mo ito sa Diyos at maging mapaglingkod sa mga customer. Sa tulong ng Diyos, magtatagumpay ang iyong negosyo.
Tandaan mo: umiwas ka sa mga mapanlinlang na pagkita ng pera; maging masipag at matiyaga sa trabaho o negosyo.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)