(Tututukan ni Sen. Bong Go ngayong 2020) TAAS SUWELDO NG NURSES AT GOV’T EMPLOYEES

Special Assistant to the President Bong Go

ISA sa mga New Year’s resolution ni Senador Bong Go ngayong 2020 ay tutukang maipasa ang mga panukalang batas na kanyang inihain sa Senado na magbibigay ng dagdag na suweldo sa mga nurse, kawani ng gobyerno at mga barangay official.

Ayon kay Sen. Go, naipangako na niya ito noon pang halalan kaya nais niyang magkaroon ng katuparan.

Nais ng bagitong senador na masuklian ng tama ang serbisyo sa bayan na ipinagkakaloob ng mga empleyado ng pamahalaan, mga barangay official at mga nurse.

“Long overdue na po itong mga salary increase ng mga nurse at ng mga kawani ng ating pamahalaan at matagal na po nila itong inaantay,” ani Sen. Go.

Maging ang panukalang batas na magbibigay ng suweldo sa mga barangay official ay ipa-prayoridad din ni Sen. Go ngayong 2020.

“Ang mga barangay officials po ang ating first line of defense sa mga krimen at mga sakuna sa kani-kanilang nasasakupan kaya nararapat lamang na bigyan din sila ng kompensasyon,” sabi pa ni Go.

Maging ang pagtutok na maipasa ngayong taon sa dalawang ipinanukalang batas ni Sen. Go na pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) at Department of Disaster Resilience ay proyoridad din nito.

Nagpapasalamat din ang mambabatas mula sa Davao City sa kanyang kapwa senador dahil naipasa agad noong nakaraang taon ang kanyang pinanukalang Malasakit Center.

Comments are closed.