(Tuwing rush hour)P1 DAGDAG-SINGIL SA PASAHE

JEEPNEY-5

AAPELA ang isang transport group ng dagdag-singil sa pasahe tuwing rush hour matapos ang panibagong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipatutupad simula ngayong araw.

Ayon sa Pasang Masda, hihiling sila sa pamahalaan ng surge fee sa gitna ng panibagong oil price hike.

Umaasa ang grupo na papayagan sila ng pamahalaan na makapaningil ng pisong dagdag-singil sa pamasahe tuwing rush hour.

Bukod kasi sa mataas na presyo ng langis, hindi pa rin umano makapaningil ang ibang mga tsuper dahil sa panibagong fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan hindi sila maaaring magdagdag ng singil sa pasahe hanggang wala pang panibagong taripa.

Sa pahayag ng mga tsuper, nahihirapan silang makabawi sa kanilang kita dahil nakakain ang kanilang oras tuwing alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.

Samantala, iginiit naman ng grupo na kung papayagan ang kanilang hiling, hindi na sila maghahain ng panibagong petisyon sa LTFRB.

DWIZ 882