TIYAGA, pag-asa, at ang kagustuhang matuto ang puhunan ni Arthur Abarca, Jr. para maging isang trainer at assessor sa TESDA.
Bukod sa pagiging trainer at assessor, bagay na kanyang lubos na ipinagmamalaki, siya rin ang namamalakad ng itinayo niyang negosyo, ang Artvission CCTV and Computer Installation and Services.
Ayon kay Arthur, taong 2004 ay napansin niyang nauuso na ang paggamit ng mga cellphone. Dahil dito ay nagka-interes siyang matuto kung paano magkumpuni nito. Kalaunan, siya’y nag-enroll ng Electronic Products Assembly and Servicing (EPAS) NC II sa TESDA Provincial Training Center – Guiguinto.
“Noong ako’y nakapasok na sa TESDA, labis-labis ang pasasalamat ko dahil unti-unti kong natutupad ang aking mga pangarap para sa aking pamilya. Nang dahil sa TESDA ay nadagdagan pa ang aking kaalaman, at ngayon ay ipinagmamalaki ko na isa na akong negosyante at proud dahil ako po ay isa na sa mga trainor at accredited assessor ng TESDA,” ani Arthur.
Bukod sa EPAS NC II, kumuha pa siya ng Driving NC II at Welding NC II sa isa sa mga TESDA accredited training center sa kanilang lugar.
“Nang dahil sa TESDA, lumawak pa ang aking kaalaman at negosyo. Ang dating cellphone repair ay naging computer shop at ngayon ay Artvission CCTV and Computer Installation and Services,” pagbabahagi niya.
Bagama’t may sariling negosyo na, isa pa rin sa kanyang layunin ay ang patuloy na pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman sa mga nais matuto.
“I would love to continue the opportunity to share my knowledge, manage more businesses and a team of workers, and shape them into successful workers like what TESDA did to me.”
Si Arthur ay ang kinilala ng TESDA Region III na TESDA Idol Regional Winner ng taong 2020 sa kategoryang self-employed.
Comments are closed.