(UAAP Season 81 lawn tennis) NU LUMAPIT SA GOLDEN DOUBLE

NU Lawn Tennis

LUMAPIT ang National University sa pagkumpleto sa golden double  nang magwagi ang men’s at women’s teams nito sa kani-kanilang Finals openers sa UAAP Season 81 lawn tennis tournament noong Linggo sa Colegio de San Agustin courts sa City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Pinataob ng Bulldogs ang Ateneo 3-1, habang ginapi ng Lady Bulldogs ang De La Salle, 3-2.

Ang tie No. 2 ng men’s at women’s Finals ay nakatakda sa alas-8 ng umaga kung saan sisikapin ng NU na lagyan ng finishing touches ang kanilang pagbabalik makaraang lumiban sa kumpetisyon noong nakaraang taon. Ang huling pagkakataon na nakuha ng Bulldogs ang championship double ay noong 2016.

Nakauna si Marcen Gonzales para sa Blue Eagles sa pamamagitan ng 6-3, 6-3 win laban kay Wilson Oblea sa opening singles, bago bumawi sina Rucel Cero at AJ Alejandre  upang kunin ang first doubles laban kina Bong Gonzales at Julian Dayrit, 3-6, 7-6, 6-3, para maitabla ng Bulldogs ang tie.

Binigyan ni Allen Manlangit ang NU ng kalamangan makaraang mag-retire si  Gab Tiamson sa deciding set ng second singles, 6-7, 6-2, 1-0, bago namayani ang  second doubles pair nina Jeric Accion at Justin Prulla laban kina  Erj Gatdula at Luke Flores, 4-6, 7-5, 6-4, upang kunin ang tie.

Comments are closed.