UAAP: SEMIS TARGET NG FIGHTING MAROONS

Standings                            W    L

*Ateneo                              9     0

UP                         8     1

DLSU                    6     3

NU                        4     5

FEU                       3     6

UST                       3     6

AdU                      3     6

UE                         0      9

*Final Four

 

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UST vs Ateneo

12:30 p.m. – NU vs FEU

4:30 p.m. – AdU vs UP

7 p.m. – UE vs DLSU

PUNTIRYA ng University of the Philippines ang ikatlong sunod na Final Four berth sa pagharap sa mapanganib na Adamson sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Target na mahila ang kanilang winning run sa siyam na laro, hindi maaaring magkampante ang Fighting Maroons sa 4:30 p.m. duel sa Falcons.

Nakopo ng  Adamson ang ikalawang sunod na panalo nang gapiin ang National University, 62-55, noong Martes ng gabi kung saan natuwa si  coach Nash Racela sa maturity ng kanyang tropa sa krusyal na yugtong ito.

“We’re happy that in the second round, we’re learning how to win,” sabi ni Racela makaraang maiganti ng Falcons ang dikit na 69-71 pagkatalo sa  Bulldogs sa kanilang unang paghaharap. “The first round really helped us in growing and today naipakita nila.”

Kasalukuyang tabla sa Far Eastern University at University of Santo Tomas sa fifth place sa 3-6, ang Adamson ay naghahabol lamang ng isang laro sa  NU sa karera para sa huling Final Four spot.

May 8-1 kartada, ang UP ay may two-game lead kontra third-ranked La Salle (6-3) sa karera para sa ikalawang twice-to-beat advantage sa Final Four.

Kapag nalusutan nila ang Falcons, na tinalo nila sa dikdikang first round game, 73-71, ang Maroons ay may isa pang mabigat na laban kontra Green Archers sa Sabado sa match-up na maaaring magdetermina sa No. 2 ranking sa pagtatapos ng elimination round.

Umaasa na lamang si coach Goldwin Monteverde na iaangat pa ng kanyang tropa ang kanilang performance.

“Ang importante lang after noong every game, we just try to see ano pang pwede naming i-improve as a team,” ani  Monteverde.

“Kumbaga, second round, ilang games pa. Going towards sa end ng second round, hopefully makapag-pick up kami. Whatever we could learn, whatever we could get from every game, gagawin namin, kukunin namin,” dagdag pa niya.

Pasok na ang  four-peat seeking Ateneo sa semis na may  league-best 9-0 record.

Target ng  Blue Eagles ang kanilang ika-36 sunod na panalo kontra Growling Tigers sa 10 a.m.matinee, na susundan ng salpukan ng Bulldogs at Tamaraws sa alas-12:30 ng tanghali.

Makakasagupa naman ng La Salle ang wala pang panalong University of the East sa alas-7 ng gabi.